NU_BANNER-PHOTO-550x647

Isa ang naghahangad na maputol ang napakatagal nang pagkauhaw sa kampeonato at isa ang nagnanais na patatagin ang kanilang puwesto sa kasaysayan ng liga.

Target ng National University (NU) na makamtan ang unang titulo makalipas ang mahigit apat na dekada at aasintahin naman ng Far Eastern University (FEU) na mapasakamay ang kanilang ika-20 korona sa pagtatapos ng kanilang salpukan para sa winner-take-all Game Three ng UAAP Season 77 men’s basketball tournament ngayon sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

 Matapos madepensahan nang husto ng Bulldogs sa Game Two, sinabi ni Tamaraws coach Nash Racela na pagsisikapan nilang tapatan kung hindi man ay mahigitan ang pagiging agresibo ng kalaban lalo na sa aspeto ng depensa kung saan sila nasakmal sa nakaaraang laban (Game 2). 

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

“We must be more aggressive on our defense particularly in controlling the boards,” ayon sa FEU mentor na umaasang madodoble ang effort ng kanyang big men na gaya nina Anthony Hargrove, Raymar Jose at Carl Cruz upang hindi sila madomina sa rebounding ng counterparts na sina Alfred Aroga, Glenn Khobuntin at Troy Rosario, ang Most Improved Player ng Season 77 na nagtala ng 19 punpos at 14 rebounds, 9 dito ay sa offensive boards sa Game Two.

Sa panig naman ng Bulldogs, ngayong napatunayan na nila na kaya nilang talunin ang Tamaraws sa pamamagitan ng team effort, muli nila itong susubukan at lalo pang pag-iibayuhin sa Game Three. 

Ang 62-47 panalo ng NU sa FEU sa Game Two ng finals series ang una nilang panalo ngayong taon laban sa Tamaraws sa loob ng tatlong laro. 

“We will try to work harder on our defense. We just have to stay focus on going on fundamentals and discipline on defense,” ayon kay NU coach Eric Altamirano. 

“Attitude should be all out. Wala nang bukas. Team with more effort and aggressiveness will have better chance of winning,” pahayag ni FEU coach Nash Racela.

Samantala, bukod kina Aroga, Khobuntin at Rosario, sasandalan din ng Bulldogs sina Gelo Alolino, Henry Betayene, Paolo Javelona at Kyle Neypes.

Para naman sa kampo ng Tamaraws, tiyak naman na muling mamumuno para sa koponan sina Mike Tolomia, Marc Belo, Roger Pogoy at Axie Iñigo.

Sa kabilang dako, inaasahan na muling makagagawa ng record ang Smart Araneta Coliseum pagdating sa bulto ng manonood.

Matatandaan na gumawa ng record ang laban ng FEU at NU sa Game 2 matapos na pumalo ang mga nanood sa halos 25,000 katao.

Una nang sinabi ni FEU coach Racela na kaya nilang tapatan, o mahigitan pa, ang mga record na ginawa sa tuwing nagtatapat ang De La Salle University (DLSU) at Ateneo de Manila University (ADMU) sa kampeonato.