Dumulog ang Discovery Pilipinas Women’s National Basketball Team upang humingi ng tulong sa Philippine Sports Commisison (PSC) matapos na isang taon nang hindi pinapasuweldo ang buong coaching staff at maging ang mga miyembro ng team at training pool.

Nagtungo mismo ang buong coaching staff ng PH belles sa opisina ni PSC Chairman Richie Garcia upang tulungan sa kanilang problema matapos na pabayaan at isantabi ng namamahalang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pinamumunuan ni sports patron Manuel V. Pangilinan.

Sinabi ni PH women’s coach Haydee Ong na huli silang nakatanggap ng buwanang suweldo noon pang Disyembre 2013 at hindi na muling nakatikim pa ng anumang buwanang allowance bagamat patuloy ang kanilang paghahanda at pagsasanay para sa darating na 2014 Asian Beach Games sa Thailand at 2015 Southeast Asian Games.

“We are seeking the help of the PSC na mabigyan naman kami kahit sana allowance dahil nakapagbigay din kami ng silver medal noong Myanmar SEA Games,” sinabi ni Ong.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Entitled naman kami at ang mga player sa allowances kaya lang ayaw ipabigay sa amin,” dagdag pa ni Ong.

Ipinaliwanag ni Ong na inako ng SBP ang dapat sana nilang makukuhang buwanang allowance mula sa ahensiya ng gobyerno, base sa kanilang ikalawang puwestong pagtatapos subalit simula noong Enero ng taong 2014 ay hindi na nakalasap ng suporta ang buong koponan.

Kabilang sa miyembro ng koponan na nag-uwi ng pilak noong SEA Games ay sina Melissa Jacob, Denise Tiu, Camille Sarbilla, Maria Lalaine Flormata, Mary Joy Galica at Angeli Jo Gloriano.

Ang miyembro naman ng national pool na dapat sana’y tumanggap ng P6,000 kada buwan ay sina Vangie Soriano, Maria Micaela Bautista, Rica Francisco, Michelle Bio, Alicia Mendez, Zhalyn Mateo, Aileen Balmatero at Jospehine Ong habang ang ibang coaches ay sina Arsenio Dysangco, Gerald Francisco, Genevieve Francisco at Emilia Vega.