NASA MALL NA KAMI ● Inaasinta ng pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magtayo ng Help Desk ng ahensiya sa lahat ng mall. Nilinaw ni TESDA Secretary Joel Villanueva na mithiin ng kanyang ahensiya na ilapit ito sa taumbayan sa layuning bigyan ng pagkakataon ang mas nakararaming Pilipino na matupad ang kanilang mga pangarap na magandang buhay. Naiulat na nilagdaan na ang isang kasunduan sa Robinsons Land Corporation para matayo ng Lingkod Pinoy Center sa lahat ng mall ng Robinsons. Maiiwasan na ng taumbayan ang mahahabang pila at uminit ang kanilang ulo sa pagkuha ng mga dokumento mula sa ahensiya ng gobyerno.

Napapanahon nang dapat alalayan na ng pribadong sektor ang serbisyo publiko ng gobyerno tulad ng DOT, LTO, SSS, PhilHealth, DFA, PAG-IBIG, NBI, at Comelec. Sa TESDA Help Desk, ang mga bibisita ay maaaring makakuha ng impormasyon tungkol sa mga scholarship program, apprenticeship o learnship program, tech-voc courses, at assessment at certrification at marami pang iba. Binubuksan na ng TESDA nang mas maluwang ang kanilang pinto para sa mga nagnanais na magkaroon ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng angkop na edukasyon at pagsasanay sa mga larangang nais nilang magtagumpay. Nakahanda naman ang mga kawani ng TESDA upang umayuda tungkol sa career na gusto nilang tahakin.

BARIL-BARILAN ● Nagsimula na ang war games ng Pilipinas at Amerika na nilahukan ng mahigit 4,000 sundalong Pinoy at Kano. Nagaganap na ngayon ito sa Puerto Princesa, Palawan (malapit sa West Philippine Sea). Ang joint military at naval exercise na ito ay bahagi ng taunang paglahok sa Philippine Amphibious Landing Exercise. Sasanayin ang mga sundalo sa iba’t ibang makabagong sandatang pandigma at behikulo, kabilang ang amphibious assault vehicle, dalawang amphibious ship na USS Paleliu at USS Germantown, pati ang C-130, Huey at Cobra helicopters, at marami pang iba. Layunin ng taunang naval exercises na ito ang mapabuti ang interoperability ng magkaalyadong bansa. Ngunit hindi lang basta baril-barilan ang war games na ito sapagkat kabilang sa mga aktibidad ang live fire exercises na idaraos sa Crow Valley, Capas, Tarlac, may boat raid exercise din sa Arrecife Island sa Palawan; at assault exercise sa Naval Education Training Center sa Zambales.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente