ROSALES, Pangasinan - Nanindigan ang limang alkalde sa ikalimang distrito ng Pangasinan sa posisyon nilang putulin ang mga punongkahoy na balakid sa pagpapalawak sa 42-kilometrong Manila North Road (MNR) Rosales-Sison.
Ayon sa mga alkalde ng Urdaneta, Binalonan, Sison, Pozorrubio at Villasis, umaasa silang magpapatuloy ang MNR project upang higit itong mapakinabangan ng motorista, partikular sa pagbibiyahe ng mga kalakal.
Kapwa inihayag na hindi sila nakonsulta sa pagbabawal ng pamahalaang panglalawigan na putulin ang mga puno, sinabi nina Binalonan Mayor Ramon Guico III at Villasis Mayor Libradita Abrenica na nakapagtanim na sila ng mga papalit sa mga puputuling puno.
Suportado rin nina Sison Mayor Mina Pangasinan, Urdaneta Mayor Amadeo Perez IV at Pozorrubio Mayor Artemio Chan ang pagputol sa mga punong nakasasagabal sa MNR. - Liezle Basa Iñigo