Bakit parang hindi na natuto ang ating mga kababayan na nagtutungo sa ibang bansa, partikular sa China, na huwag magdala o pumayag magbitbit ng bawal na droga sapagkat kapag sila ay nahuli, tiyak na kamatayan ang kaparusahan? Ang ganitong situwasyon ay naulit na naman sa dalawang Pinoy na hinatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagpupuslit ng limang kilogramong cocaine sa Vietnam.

Ayon sa ulat, si Emmanuel Sillo Camacho, 39, ay napatunayang nagkasala sa hukuman ng Hanoi noong Agosto 28, 2014 dahil sa pagdadala ng 18 pakete ng cocaine na may 3.4 kilogram sa Vietnam mula sa Brazil. Siya ay nahuli sa Hanoi Noi Bai Airport noong 2013. Samantala, ang isa naman ay si Donna Buenagua Mazon, 39, na hinatulan ng kamatayan ng korte sa Ho Chi Minh City nito ring Agosto matapos makuhanan ng 1.5 kilogramo ng cocaine noong Disyembre 2013. Tandaan sana ng mga kababayan na ang pagpupuslit ng mga ilegal na droga ay lubhang mapanganib. Kapalit ito ng buhay dahil lamang sa hangaring magtamo ng ilang libong dolyar na kabayaran ng drug syndicates. Katwiran nila ay madali raw itong pagkakitaan kaya tinatanggap ang masamang alok ng mga drug lord.

Ang Vietnam, bukod sa China at Singapore, ang isa sa may pinakamatinding anti-drug laws. Sino mang napatunayang nag-iingat ng mahigit sa 600 gramo (20 ounces) ng heroin o mahigit sa 20 kilo ng opium ay tiyak na kamatayan ang parusa. Sa Pinas, habambuhay lang ang parusa kaya marahil laganap ang ilegal na droga rito at maraming bangag at kriminal.

Ayon sa ulat, marami nang dayuhan ang nasentensiyahan sa drug offenses sa Vietnam bagamat matagal nang panahon ang nakararaan sapul ng patawan ng kamatayan ang isang foreigner. Ngayon lamang ito posibleng maulit sa kaso ng dalawang Pilipino.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez