Humabol ang Far Eastern University (FEU) buhat sa double-digit na pagkakaiwan upang burahin ang taglay na twice-to-beat incentive ng defending champion De La Salle University (DLSU), 61- 56, sa pagpapatuloy ng stepladder semifinals ng UAAP Season 77 women’s basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Napag-iwanan sa iskor na 17- 32, naghabol ang Lady Tamaraws sa pangunguna ni April Siat upang maipanalo ang kanilang ikalawang do-or-die match sa stepladder semifinals.
Tumapos si Siat na may 21 puntos at 9 rebounds, habang nagdagdag naman si Jacq Tanaman ng 16 puntos, 11 rebounds at 9 assists.
Sa kabilang dako, namuno naman para sa second seed na La Salle si Nikki Garcia na may 15 puntos kasunod si Cass Santos na may 11 markers at 4 boards.
Nauna nang pinayukod ng Lady Tams noong nakaraang Sabado ang University of Santo Tomas (UST) na hinabol din nila sa final period makaraang makalamang ng 10 puntos, 62-61.
Nakatakdang magtuos uli ang dalawang koponan ngayong ala-1:30 ng hapon sa MOA Arena bago ang Final Four game ng kanilang men’s team at ng defending champion La Salle.
Ang iskors:
FEU (61) - Siat 21, Tanaman 16, Valenzona 7, Arellado 6, Gabriel 4, Ventura 4, Castro 2, Chan 1, Baldonado 0.
La Salle (56) - Garcia 15, Santos 11, Piatos 8, Ong A. 6, Claro 6, Melendres 3, Vergara 3, Ong M. 2, Castillo 2, Corcuera 0, Scott 0, Lumba 0.
Quarterscores: 6-7, 17-29, 37-45, 62-56