ANG matayog na hangarin ng isang 60 anyos na lalaki sa pagtuklas ng karunungan ay isang epektibong panggising sa administrasyon, lalo na sa Department of Education (DepEd), upang lalo pang paigtingin ang education program ng bansa. Hindi pa rin lubos na naaaksiyunan ang illiteracy sa lipunan na lubhang kailangan upang tayo ay makaagapay sa mga bansang walang problema sa kamangmangan. Edukasyon ang susi sa ating tagumpay sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.

Halimbawa, hindi inalintana ni Antonio Abelado – isang matandang lalaki ng Rosario, Cavite – ang magiging pananaw ng sinuman; hindi naging hadlang ang kanyang edad o karalitan upang makapag-aral ng elementarya bilang bahagi ng free education program para sa mga nakatatanda at out-of-school youth ng naturang munisipalidad. Hindi pa huli ang lahat, wika nga.

Determinado si Abelado, isang garbage collector, na makatapos ng kahit elementarya o high school man lamang; kahit na mga apo na lamang niya ang kanyang mga kamag-aral. Hindi malayo na kahit ang kanilang guro ay malayo sa kanyang edad. Hindi lamang si Abelado, kung sabagay, ang nagpamalas ng masidhing pagnanais na makapag-aral. Isang lolo na halos 80 anyos na rin ang iniulat na nagtapos ng high school sa isang bayan sa pangasinan. Sayang at ang kanyang pangalan – at ng iba pang senior citizen na may gayon ding adhikain – ay nakahulagpos sa aking memorya. Gayunman, nanatiling nakaukit sa aking utak ang kanilang mensahe; ang karunungan ay isang kayamanang hindi mananakaw. Ang naturang mensahe ay sapat na upang matauhan ang gobyerno sa pagbubunsod ng mga programang pangkarungunan, tulad ng libreng edukasyon o free education, lalo na sa mga maralitang pamilya. Kaakibat nito ang pagtatalaga ng kailangang mga guro, pagkakaloob ng mga computer sets, at iba pang materyales sa pagtuturo. Dapat maging bahagi ng nabanggit na programa ang paglutas sa problema ng mga guro hinggil sa dagdag na suweldo at iba pang benepisyo. Kasama na rito ang pag-aksiyon sa kakulangan ng mga silid-aralan.

Ang mga ito ay tiyak na makatutulong sa paglipol sa kamangmangan o illiteracy problem ng lipunan.
Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon