Hindi inasahan si Mike Tolomia ng Far Eastern University (FEU) na gagawa ng malaking hakbang laban sa De La Salle University (DLSU) noong Miyerkules matapos na mapuwersang limitahan ang minuto ng kanyang paglalaro sa mga nakaraang laro sanhi ng lagnat.
Subalit ibinigay ng 5-foot-11 guard ang 100 porsiyento ng kanyang pag-atake upang tapyasin ng Tamaraws ang seven-game winning streak ng Green Archers, 74-70, at sunggaban ang pagsosolo sa liderato sa UAAP men’s basketball tournament.
“Nakalabas siya ng hospital noong Tuesday at hinabol niya iyong practice namin. ‘Di ko rin alam what to expect from him,” saad ni FEU coach Nash Racela.
Impresibong tumapos si Tolomia na taglay ang 22 puntos, 5 rebounds, at 3 assists, kung saan ay siya rin ang namuno sa game-winning play kontra sa Green Archers kung saan ay umiskor siya mula sa kanyang sariling mintis sa foul line sa huling 5.9 segundo.
Tatlong araw ang nakalipas, muli na namang nagpamalas ng angking galling si Tolomia, nagposte ng 19 puntos at 5 boards bago na-foul out kung saan ay pinataob ng FEU ang University of the Philippines (UP), 75-69, upang manatiling nasa unahan ng standings na taglay ang 9-2 slate.
Ang back-to-back heroics ang nakapagbigay kay Tolomia ng kanyang unang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week honor sa season na ito.
Inungusan ni Tolomia sina Ateneo’s Kiefer Ravena, University of the East’s Charles Mammie, at La Salle’s Jason Perkins para sa lingguhang pagkilala na suportado ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol.
“I think nagagawa ko nang mas ma-involve iyong teammates ko. Hopefully, magtuluy-tuloy,” pahayag naman ni Tolomia.
Hangad ng fourth-year guard na muling matulungan ang kanyang koponan upang maisakatuparan ng Tamaraws na maiselyo ang unang Final Four berth kontra sa Adamson bukas bagamat mawawala sa kanilang hanay si Racela.
“Itutuloy pa rin namin iyong sistema na iniwan ni coach sa amin,” giit ni Tolomia. “Magiging ok naman kami.”
“I always believed in the potential of my team,” pagmamalaki naman ni Racela, sasanib sa Gilas Pilipinas coaching staff sa FIBA World Cup sa Spain. “Our team is based on trust. Right now, mayroon na kaming malaking trust sa isa’t isa na kahit mawala ang isa, alam naming kayang punan ng iba.”