PARA SA TABI ● Napabalita na malamang na sumakay si Pope Francis sa isang simple at mapagkumbabang jeepney sa paglilibot ng pinagpipitagang pinuno ng Simbahang katoliko. ito ang tinuran ng mga tagapamahala ng pagbisita ng Papa sa Pilipinas, partikular na sa mga lugar na sinalanta ng Supertyphoon yolanda sa Enero 15 hanggang 19 sa susunod na taon. Ang ideya ng jeepney na gagawping “Popemobile” ay nag-ugat sa pagbisita ng Papa sa South korea kung saan pinasakay siya sa isang maliit na sasakyang gawa sa naturang bansa.
At siyempre pa, dahil kilala naman ang mga Pilipino sa panggagaya, isa ngang magandang ideya ang ipasyal si Pope Francis sa isang jeepney. Ngunit hindi pa ito tiyak, ayon na rin kay dating ambassador sa Holy See na si Henrietta De Villa, na miyembro ng preparatory committee, at isa ito sa kanilang tinitingnan. Kung aaprubahan ito ng Vatican, aniya, ipagagawa ang espesyal na jeepney para sa Papa. kayganda marahil pagmasdan na ang pinakamataas na lider ng Simbahan ay sasakay sa isang mapagkumbabang jeepney. Maging halimbawa siya para sa ilan nating matataas na opisyal ng gobyerno, na naabot ng tao dahil sa pagpapakumbaba.
TARA NA! ● Malala na nga ang situwasyon sa mga bansang tinamaan ng Ebola virus. Umaakyat na ang bilang ng mga namamatay habang kakaunti naman ang gumagaling sa sakit. Hindi maglalaon, mapapahamak ang ilan nating kababayan na nagtatrabaho sa mga bansang may Ebola virus. kaya minabuti pa ng Department of Foreign affairs na kumilos agad. ayon sa isang ulat, naghahanda na ang naturang ahensiya ng gobyerno ng paglilikas sa mga manggagawang Pinoy na nasa Guinea, Liberia, at Sierra Leone. Sinabing may mahigit 800 Pinoy sa Guinea, 632 sa Liberia na kabilang ang may 140 peacekeeper, at 2,000 sa Sierra Leone. Pagkarami-rami nating kababayan sa naturang mga bansa na maaaring humarap sa banta sa kanilang buhay. Kahit saan mang sulok ng daigdig, mayroong manggagawang Pilipino. kahit pa harangan mo ng sibat dito sa atin, aalis pa rin sila upang makapaghanapbuhay sa ibayong dagat. Wala kasing mapasukan dito sa Bayan ni Juan. kaya kahit giyera at virus ay buong tapang nilang harapin. Ngunit sa harap ng banta ng Ebola, huwag na sana silang magdalawang isip. Kapag dumating ang sasakyan ng ating gobyerno at may sumigaw mula doon ng “tara na!”, sana sumakay na sila