Umalis kahapon ang 30 kataong Philippine Dragonboat Team na mula sa Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) upang sumabak sa International Canoe Federation (ICF) World Dragonboat Championships na gaganapin sa Pozon, Poland sa Agosto 28 hanggang Setyembre 1.

Sinabi ni PCKF head coach Lenlen Escollante na asam ng delegasyon, na binubuo ng 2 race official at 28 atleta, na malampasan ang huli nilang iniuwing 6 ginto at 1 pilak sa torneo may dalawang taon na ang nakararaan sa Milan, Italy.

“We are very optimistic based on the performances of our athletes in the several tournaments we had participated. Kabilang na dito ang 2014 Philippine National Games and also our paddlers are very young,” sinabi ni Escollante, dating miyembro ng PH women’s volleyball team na huling nagkampeon sa SEA Games.

Sasabak ang Pilipinas sa 12 mula sa paglalabanang 24 na kategoryang nakataya sa 200m, 500m at 2,000m. Lalahok ang Pilipinas sa mixed 10-seater, full boat 20 seater, junior men 10 seater at ang half at full dragonboat senior men.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang koponan ay binubuo naman ng mga miyembro ng Taytay boys na tinanghal na kampeon sa 2014 PNG habang ang kababaihan ay pinili naman mula sa iba’t ibang koponan mula sa Laguna, Taytay at Manila.

Kabilang din sa lalahok ang SEA Games bronze medalist na si Hermie Macaranas na inaasahang sasabak sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea sa darating na Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.