Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani sa Lunes, Agosto 25, hindi lamang ang ating mga bayani na namuhunan ng buhay at dugo ang ating dadakilain. Siyempre, sila ang pangunahing itampok sa naturang pagdiriwang sapagkat utang natin sa kanila ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.

Paano natin ipagwawalang-bahala, halimbawa, ang katalinuhan nina Dr. Jose Rizal at Apolinario Mabini, ang katapangan ni Gat. Andres Bonifacio, ang kagitingan nina Emilio Jacinto, Antonio Luna at marami pang iba. Ang kanilang mga alaala ay marapat lamang manatiling nakaukit sa ating kasaysayan.

Bagamat hindi pumasan ng mga armas at nagsukbit ng mga tabak, ang ating mga kapatid na Overseas Filipino Worker (OFW) ay maituturing ding mga buhay na bayani. Ito ang lagi nating ikinakapit sa kanila dahil sa hindi matatawarang pagtuwang nila sa pagpapaangat ng ekonomiya. Milyun-milyong dolyar ang kanilang remittances o mga salaping ipinadadala sa bansa habang sila ay naghahanap-buhay sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na sa Middle East.

Nakalulungkot nga lamang na may mga pagkakataon na ang kapakanan ng ilan sa kanila ay tila hindi natutugunan ng administrasyon dahil sa kapabayaan ng ilang lingkod ng bayan. Ang pamilya ng ilang OFW ay halos lumuhod sa mga awtoridad sa paghingi ng tulong at remedyo sa kanilang mga problema. Ang gobyerno ay kaagad sumaklolo sa nabanggit na mga buhay na bayani, lalo na sa mga nahaharap sa mabibigat na asunto na may parusang kamatayan.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Ganito rin ang pagdakila na dapat nating iukol sa ating mga magsasaka na lagi nating tinaguriang mga gulugod ng bansa o backbone of the nation. Malaki ang kanilang ginagampanan at ginampanan sa pagpapalaki ng aning palay, tabako, mais at iba pa na lubhang kailangan sa pagpapaunlad ng agrikultura. Dapat lamang nating pag-ibayuhin ang pagkakaloob natin sa kanila ng sapat na production asstance, tulad ng abono, seed subsidy at iba pang agricultural tools. Ang kanilang kabayanihan ay dapat laging pahalagahan.