“Magsilbi sana siyang inspirasyon sa ating lahat.”

Ito ang pahayag ni Education Secretary, Br Armin A. Luistro, FSC, sa pagbibigay-pugay niya kay Mr. Randy Halasan, guro sa Pegalongan Elementary School (Davao City) at 2014 Ramon Magsaysay awardee for Emergent Leadership, sa flag raising ceremony sa DepEd Central Office, Meralco Avenue, Pasig City.

Tinukoy ni Sec. Luistro ang dedikasyon ni Mr. Halasan na itaguyod ang kanyang propesyon bilang guro, sa katwirang “No one got rich out of teaching…it’s your legacy that matters.”

Iginawad ng Ramon Magsaysay Foundation Inc. ang parangal kay Mr. Halasan bilang pagkilala sa masigasig at taus-pusong pagtuturo nito sa mga Matigsalug, isang Idigenous People community sa Davao, na nagbago ang pamumuhay sa ipinagkaloob na quality education at sustainable livelihood.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Doing so in ways that respect their uniqueness and preserve their integrity as Indigenous People in modernizing Philippines,” banggit ng pagkilala ng RMFI kay Halasan.

HINDI SIYA SUMUKO

Itinalaga si Sir Randy, 31, bilang guro sa Pegalongan Elementary School sa pinakaliblib at bulubunduking lugar sa Davao City, noong 2007. Agad niyang naisip na magpalipat sa ibang paaralan dahil pitong oras ang biyahe sakay ng Habal-habal, mula sa kanilang bahay at apat na oras na paglalakad na tatawid ng ilog, bago marating ang paaralan, na noo’y may dalawang silid-aralan at isa lamang ang makakasama niyang guro. Mula Grade 1 hanggang 6, ang kanilang tuturuan.

Makalipas ang pitong taon, patuloy si Sir Randy sa pagtuturo sa mga batang Matigsalug, na katulad niya naglalakad din at tumatawid ng ilog para makapasok sa paaralan. Kung dati’y iilan, ang ilan sa mga bata ay natutulog sa klase dahil sa pagod at gutom, ngayo’y masigla na ang mga mag-aaral na umabot na sa 210. Ito’y dahil tinuruan ni Sir Randy ang buong tribu na magtanim ng gulay at prutas. Humingi siya ng suporta sa kapwa guro sa pamamagitan ng mga donasyong punla at ipinatanim sa mga katutubo. Nakakuha rin si Sir Randy ng suporta sa gobyerno at pribadong sektor at pinayabong ang Pegalongan Farmers Association na ngayo’y mayroon nang gilingan ng bigas at mais, seed bank, cattle dispersal project at maraming alagang kabayo para sa transportasyon ng produkto.

Dahil sa pagsusumikap ni Sir Randy, dating silid-aralan na walang ilaw, gamit at pasilidad ay isa nang 9-classroom permanent school at mayroon na ring walong guro. Naitayo rin ang culutural-minority high school, banggit ng impormasyon mula sa Foundation.