April 06, 2026

Home BALITA Metro

‘May kalalagyan kayo!’ DOTr Sec. Lopez, binalaan mga tiwaling airport personnel

‘May kalalagyan kayo!’ DOTr Sec. Lopez, binalaan mga tiwaling airport personnel
Photo courtesy: DOTr (FB)

May mariing babala si Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni “Banoy” Lopez sa mga airport personnel na lumalabag sa batas at nagnanakaw ng mga gamit o pera mula sa mga pasahero. 

Sa pahayag ng DOTr nitong Linggo, Abril 5, tiniyak ni Lopez na ang mga mapapatunayang tiwaling Transportation Security (OTS) Security Screening Officers (SSO) ay may kalalagyan at mapaparusahan. 

“Kung mapatunayan na ang ilang mga OTS Security Screening Officers ang nangunguna sa paglabag ng batas kabilang na ang pagnanakaw ng mga gamit o pera ng mga pasahero, tiyak na may kalalagyan kayo at sisiguruhin naming mapaparusahan ang mga nagkasala,” mariing babala ng kalihim. 

Ito’y matapos iutos ni Lopez ang pagpapa-relieve sa puwesto ng dalawang SSO at isang supervisor sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Biyernes, Abril 3, matapos magreklamo ang isang pasaherong Australian national na nawalan ito ng ₱7,000 at NTD 1000 (New Taiwan Dollars) dahil sa umano’y pagnanakaw.

Sa kasalukuyan, ang tatlong personnel ay nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo. 

Metro

South Korean doctors na papuntang Pilipinas, rumesponde sa pasyenteng inatake sa puso sa eroplano

Hinikayat naman ni Lopez ang mga pasahero na huwag mag-alinlangang i-report ang ano mang makikitang kahina-hinalang gawain ng ilang airport personnel. 

Bukod pa rito, ipinaalala rin ng kalihim sa mga pasahero na iwasang magdala ng prohibited items sa pagbiyahe upang maiwasan ang pagbubukas ng kanilang mga bagahe.