Pinatutsadahan ni dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Atty. Rowena Guanzon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na gumanap bilang si Hudas sa Senakulo ngayong Semana Santa.
Sa depinisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang senakulo ay isang teatro sa mga Katoliko, dulang nagsasalaysay ng búhay, paghihirap, at kamatayan ni Hesukristo na itinatanghal tuwing Mahal na Araw mula sa Linggo ng Palaspas hanggang sa gabí ng bisperas ng Pasko ng Pagkabúhay.
Habang si Hudas o si Judas Iscariote ang isa sa mga apostol ni Hesukristo na nagtaksil o nagkanulo sa Kaniya.
Ayon sa naging pahayag ni Guanzon sa kaniyang Facebook post noong Martes, Marso 31, 2026, direkta niyang ni-mention ang Pangulo at minungkahing gumanap na si Hudas sa senakulo.
“Bongbong Marcos, pwede ka bang gumanap na hudas sa senakulo?” ani Guanzon.
Screenshot mula sa FB post ni Guanzon.
Habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang Pangulo kaugnay rito.
Samantala, sa bukod pang post ni Guanzon noong Lunes, Marso 30, 2026, nagawa niyang sagutin ang dahilan umano niya sa patuloy na pagbatikos sa administrasyon ni PBBM.
“Bakit daw puro lang tayo batikos sa korapsyon ng administrasyon ni Marcos pero di naman nagsasampa ng kaso?” pagsisimula niya.
Ani Guanzon, kuwestiyonable raw para sa kaniya kung bakit wala pa ng nakukulong sa korapsyon sa kabila ng pagsisiwalat ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating Marine TSgt. Orly Guteza, at lumitaw na 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marine.
“Eh lumabas na nga ang implementor ng nakawan na si Zaldy Co, lumabas na si Guteza at 18 marines para patotohanan lahat hindi pa rin nila pinansin. Kahit puntahan niyo ang mga project kung hindi ghost ay sira sira, may nakulong ba na malaki?” buwelta niya.
“Wala tayong asahan sa mga ito kundi hintayin magpalit ng administrasyon,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang inanunsiyo ni Guanzon ang pagkandidato niyang senador sa 2028 national election sa ginanap na Cebu Alliance for Duterte 2028 noong Marso 13, 2026, kung saan ipinangako niyang ipaglalaban niya ang mga Bisaya at muling babawiin ang Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Guanzon, tatakbong senador sa 2028!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Guanzon kay Sen. Padilla: 'Na-judge kita noon pero bilib ako sa 'yo ngayon!'