March 26, 2026

Home BALITA National

VP Sara, mas pipiliin tumulong sa mga Pilipino kesa dumalo sa impeachment hearing!

VP Sara, mas pipiliin tumulong sa mga Pilipino kesa dumalo sa impeachment hearing!
Photo courtesy: File Photo

Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay sa dahilan ng hindi niya pagdalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment case laban sa kaniya ngayong Miyerkules, Marso 25, 2026. 

Ayon sa inilabas na pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nito ring Miyerkules, sinabi niyang may mas mapanganib umanong suliraning kinakaharap ang mga Pilipino sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga produkto. 

“Ang suliranin ng bayan ngayon ay ang nanganganib na pagsasara ng mga negosyo, ang pagkawala ng trabaho, at ang hirap ng bawat pamilyang Pilipino dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto,” pagsisimula niya. 

Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB)

Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB).

Ani VP Sara, tila ginagamit lang daw upang makabuo ng naratibo ang hindi niya pagsagot sa imbitasyon ng House Committee on Justice na dumalo sa kanilang pagdinig. 

National

PBBM, pirmado na batas na magsususpinde sa fuel excise tax!

“Ang imbitasyon na dumalo sa pagdinig ng Committee on Justice ay tila ginagamit upang makabuo ng isang media narrative na magkakaroon ng “mini-trial,” batay sa umano'y hindi ko pagsagot at hindi pagdalo,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Sa ganitong paraan, ginagamit ang mga pagdinig upang makapagsagawa na naman ang House of Representatives ng ikatlong fishing expedition laban sa akin.” 

Depensa ni VP Sara, malinaw daw na walang patakaran ang nagsasabing kailangang personal na pumunta o dumalo ng isang respondent sa pagdinig ng naturang komite para sa impeachment complaints laban dito. 

Giit niya, nakapagsumite na raw siya ng kaniyang kasagutan laban sa mga nasabing reklamo sa kaniya at wala raw ibang dapat gawin ang Kamara kundi ibasura ang mga impeachment complaint. 

“Naisumite ko na ang aking Answer ad Cautelam. Sa ngayon, wala nang dapat pang gawin ang Komite kundi ibasura ang mga reklamo dahil sa malinaw na kakulangan ng ebidensya,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ng bise presidente, mas pipiliin daw niyang ilaan ang kaniyang oras sa pagtulong sa mga Pilipino sa halip na dumalo sa nasabing pagdinig. 

“Samantala, mas pipiliin kong ilaan ang aking oras sa pagtulong sa mga Pilipino—lalo na sa pagbibigay ng paalala, diretso sa mga komunidad, upang maibsan ang hirap sa gastusin ng mga pamilyang higit na nangangailangan,” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, iniimbitahan ng Kamara na dumalo sa isang meeting sa Marso 25

KAUGNAY NA BALITA: 'God help us!' Sen. Robin, nag-react sa pagtutuloy ng impeachment vs VP Sara