Diretsahang inilahad ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na naiintindihan nila ang galit ng mga tao at ang apela hinggil sa pagrepaso ng Juvenile Justice Law, matapos ang walang habas na pamamaril ng dalawang menor de edad sa San Jose National High School sa Tacloban City noong umaga ng Lunes, Hunyo 22.
Sa naganap na school shooting incident, tatlong mag-aaral ang napaulat na nasawi; 15 ang nasugatan; at lima naman ang nagtamo ng “not gunshot related injuries”—batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), na inilatag ng Tacloban City Information Office nitong Martes, Hunyo 23, as of 8:00 am.
KAUGNAY NA ULAT: Archdiocese of Palo, ipinagdasal mga naapektuhan ng school shooting sa Tacloban-Balita
Sa pahayag na ibinahagi ni Diokno sa kaniyang official Facebook page nitong Martes, Hunyo 23, nagpaabot din siya ng pakikiramay para sa mga naulila ng mga namatay na mag-aaral.
“Nakikiramay tayo sa pamilya, mga kaibigan, at sa buong komunidad ng mga estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban,” saad ni Diokno.
Ayon pa sa kaniya, “Hindi dapat nakapasok ang baril sa loob ng paaralan. Nanawagan tayo sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tingnan ang mga posibleng pagkukulang sa seguridad sa eskwelahan.”
“Kasabay nito, kailangang palakasin pa ang mga hakbang upang mapangalagaan ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral,” dagdag pa niya.
Nagbigay naman ang naturang mambabatas ng mga paglilinaw kaugnay sa Juvenile Justice Law.
“Sa gitna ng trahedyang ito, nauunawaan natin ang galit ng taumbayan at ang panawagan para repasuhin ang Juvenile Justice Law,” anang mambabatas.
Aniya, “Nais kong linawin na sa [kasalukuyang] batas, may mekanismo na para panagutin at i-rehabilitate ang mga menor de edad, habang may pananagutan din ang mga magulang.”
“Tandaan natin: Ang sagot sa karahasan ay hindi karahasan. Kailangan nating tugunan ang mga ugat ng problema—mula sa mga pagkukulang sa tahanan, paaralan, at online spaces, hanggang sa mga butas sa regulasyon ng baril at sa pagpapatupad nito,” pagtatapos ni Diokno.
Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na insidente—partikular na ang motibo sa likod ng pamamaril.
KAUGNAY NA ULAT: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City-Balita
KAUGNAY NA ULAT: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!-Balita
KAUGNAY NA ULAT: DepEd sa shooting incident sa San Jose NHS: ‘We strongly condemn this act of violence!’-Balita
KAUGNAY NA ULAT: DepEd RO VIII, ‘in deep concern’ sa shooting incident sa San Jose NHS-Balita