Nag-isyu na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng holiday pay rules ng mga manggagawa hinggil sa paggunita ng Eid’l Fitr sa Biyernes, Marso 20.
Sa inilabas na Labor Advisory No. 4, series of 2026 ng DOLE, mababasa ang mga detalye ng pay rules sa nasabing holiday.
Anila, ang mga manggagawang hindi papasok sa nasabing araw ay makatatanggap ng 100% ng kanilang arawang sahod mula sa kanilang employer.
Samantala, ang mga manggagawang uulat naman sa kanilang trabaho sa araw ng Eid’l Fitr ay makatatanggap ng 200% ng kanilang arawang sahod sa loob ng walong oras.
Sa mga overtime employees naman, sinabi ng DOLE na gagamitin ang “Hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x number of hours worked” formula para sa kanilang sahod sa nasabing araw.
Kung ang Eid’l Fitr ay pumatak sa rest day ng isang empleyado, ngunit siya ay pumasok pa rin sa trabaho, gagamitin naman ang formula na “Basic wage x 200% x 130%” para sa kaniyang holiday pay.
Gagamitin din ang formula na “Hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x 130% x number of hours worked” para naman sa mga empleyadong papasok pa rin sa araw ng Eid’l Fitr kahit ito ay sasapit mismo sa kaniyang rest day, at kung magre-render din siya ng overtime.
Photo courtesy: DOLE
Matatandaang kamakailan, inanunsyo ng Palasyo na regular holiday ang Biyernes, Marso 20 sa buong bansa, bilang paggunita sa Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng Pista ng Ramadan.