Inamin ng aktor na si Nikko Natividad na sinikap niyang itago sa misis na si Cielo Eusebio ang tungkol sa kumalat na sex video scandal niya, subalit napanood na ito ng asawa kaya wala na siyang "lusot" kundi aminin at humingi ng tawad sa kaniya.
Si Nikko ay personal na kinapanayam ni Ogie Diaz sa kaniyang vlog na "Ogie Diaz Inspires." Dito ay tahasang inamin ni Nikko ang tungkol sa nabanggit na sex scandal.
Matatandaang kamakailan lamang, umingay ang social media sa sex video ng apat na aktor, kabilang si Nikko, na tinawag na "Big Four."
Ang tatlo pang aktor ay sina Arron Villaflor, Ron Angeles, at Gil Cuerva.
Aniya, nangyari daw ang insidente ng pakikipagtalik sa ibang babae noong taong 2023 at 2024, dahil may pinag-awayan daw sila ng misis na si Cielo Eusebio.
Ikinasal sina Nikko at Cielo noong Oktubre 2021 sa Nasugbu, Batangas matapos ang pagsasama bilang live-in partners sa loob ng pitong taon.
Unang bungad na tanong agad ni Ogie kay Nikko ay kung bakit nangyari ang mga iyon, gayong ang nakikita ng mga tao sa kanilang dalawang mag-asawa, ay mukhang okay naman sila. Sa katunayan, minsan ay napapasama pa si Cielo sa ginagawang content ni Nikko sa social media.
Sagot ni Nikko, talagang "nademonyo" at "natukso" siya kaya pumayag siyang makipagbembangan sa nabanggit na babae sa video, na surprisingly, babaeng nakatalik din ng ilan sa mga aktor na involved sa "Big Four."
"Sabi ko nga po, walang words na puwedeng magpabawas o mag-cover up sa nagawa ko. Na kasi nag-aaway kami ng asawa ko, kasi lasing ako, kasi may tampuhan kami. Wala. Lahat ng ginawa ko is mali. Sa madaling salita, sabi ko sa wife ko, nademonyo ako, natukso, bumigay ako," pag-amin ni Nikko.
Marahil daw ay "natira" kay Nikko ang kahinaan niya sa babae kaya nagawa niya ang pagkakamali.
"Walang ibang reason po. Mali ako, nademonyo ako, 'yon lang po. Walang ibang, like, dahil nag-away kami ng wife ko, walang ganun.
"Walang lusot?" singit naman ni Ogie.
"Wala, at ayaw ko rin gawing dahilan na, 'Nanlamig ka kasi nagtampuhan tayo.' Inaamin ko na mali 'yong ginawa ko," paliwanag pa ni Nikko.
Hindi pa man daw pinagpipiyestahan at pinagkakakitaan sa social media ang scandal niya, may kutob na raw siyang lalabas ang nabanggit na isyu at "sasabog."
"Opo, alam ko. Takot lang ako aminin sa wife ko kasi, hindi ako sa nagbubuhat ng bangko, pero noong nangyari ito, unti-unti na nagbabago na ako. Alam ng mga tao, alam ng wife ko na nagbabago na ako. Pero hindi ko lang kayang aminin sa kaniya. Kasi natatakot akong mawala siya. So sabi ko na lang, pagsisisihan ko na lang sa sarili ko. Magbabago na ako, huwag ko na lang aminin sa kaniya," paliwanag pa ni Nikko.
Hindi raw lingid sa kaalaman ni Nikko na ibinebenta na sa social media ang video niya, noon pang 2025.
"Pero noong last year, pumuputok-putok na siya, may mga nagme-message na sa akin na ibinibenta na sa Telegram.
"Sabi ko, walang na akong lusot, darating yung time na lalabas ito. Sinusubukan ko lang pong i-delay kasi ayokong mahiwalay ako sa pamilya ko. Ayaw kong masira.
"Pero alam ko na lalabas at lalabas yon," aniya pa.
Naglakas-loob na raw si Nikko na aminin ang lahat dahil "wala na siyang lusot."
"Tina-try ko pa ring magsinungaling sa kaniya na hindi totoo, kasi nga ayokong makorner na hiwalayan niya ako, masira pamilya ko. Pero wala nang lusot eh," paliwanag pa niya. "Wala nang dahilan para magsinungaling pa ako, napanood na niya. Wala na."
Nag-iyakan daw silang mag-asawa habang humihingi siya ng tawad. Tumatakbo raw sa isip ni Nikko na baka maghiwalay na sila.
Sa kabilang banda, nag-post si Cielo na sa kabila ng sakit ng mga nangyayari ay nananatili siya sa tabi ni Nikko alang-alang sa pamilya nila.
Naging emosyunal naman si Nikko nang ibahagi niya ang naging text message sa kaniya ng anak; na sa kabila ng lahat, sinabi raw nitong mahal pa rin siya nito.
"Sabi niya sa akin, 'Dad, walang ginawang mali sa iyo si Mommy. Bakit mo nagawa yon? Pinagtatanggol pa kita minsan kay Mommy, kasi kapag nag-away kayo, minsan mali si Mommy. Pero ngayon, hindi kita kayang ipagtanggol.'
"Tapos nag-text siya [ulit]. Hagulgol ako. Sabi niya, 'Dad, I love you. I know God will forgive you,'" saad pa ni Nikko.
Kaya ang natutuhan daw ni Nikko sa mga nangyari, kung kaya namang umiwas sa tukso, umiwas na.
"Basic lang, kung alam mong masama at mali, huwag mo nang gawin," aniya.
Wala raw siyang balak sampahan ng kaso ang taong nasa likod ng pagpapakalat ng video.
Maki-Balita: 'Walang ibang rason!' Nikko Natividad umaming nademonyo, natukso kaya bumembang sa iba