Naghayag ng pagkabahala si ex-Rep. Mike Defensor sa naging tugon ng National Bureau of Investigation (NBI), partikular ang pagdamay sa asawa niya, matapos ang paglantad ng 18 indibidwal na dating miyembro umano ng marines.
Matatandaang naglabas ng subpoena ang NBI laban sa 18 nagpakilalang dating mga miyembro ng Philippine Marine at dati umanong tumayong mga “bag man” ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at naghatid diumano male-maletang naglalaman ng bilyon-bilyong pera sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Maki-Balita: NBI, naglabas ng subpoena laban sa 18 ex-marines!
Sa isang Facebook post ni Defensor nitong Biyernes, Marso 6, sinabi niyang mas tinutukan pa umano ng mga opisyal ang kredibilidad ng mga sundalo sa halip pagtuunan ang alegasyon ng mga ito.
Aniya, “Sa halip na tutukan ang mabibigat na alegasyon ng korupsyon na ibinunyag ng mga dating sundalo—kabilang ang umano’y pagdedeliver ng malaking halaga ng pera sa mga opisyal ng gobyerno—tila mas pinagtutuunan pa ng pansin ng NBI ang kredibilidad ng mga sundalo, ang press conference, at ang mga taong tumulong upang mailabas sa publiko ang kanilang mga pahayag.”
Bukod dito, nabahala rin umano si Defensor matapos mapabilang ang asawa niyang si Julie Defensor sa mga na-subpoena.
“Mas nakababahala ang pagsama sa subpoena ng aking asawa na si Julie Defensor. Wala siyang anumang kinalaman sa aking pagsuporta kina Atty. Levy Baligod at sa mga sundalong naglakas-loob magsalita. Ang pagdawit sa kanya ay malinaw na pananakot at panggigipit,” saad ni Defensor.
Dagdag pa niya, “Kung seryoso ang mga awtoridad sa paghahanap ng katotohanan, dapat nilang imbestigahan ang mga alegasyon ng korupsyon—hindi ang mga taong naglakas-loob magsiwalat nito.”
Matatandaang Pebrero 24 nang iharap ni Baligod sa publiko ang mga marino upang susugan ang naunang pahayag ni retired Marine TSgt. Orly Guteza tungkol sa umano’y male-maletang pera na dinadala sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Guteza ang dating Senate witness na nagsiwalat tungkol sa umano’y “maleta scheme.”
Ipinrisinta siya ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.