Posibleng pumalo sa ₱90 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa bansa bunsod ng tumitinding tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ito ay matapos ipasara ng Iran ang Strait of Hormuz, ang pangunahing ruta ng mga oil tanker na nagdadala ng suplay ng langis mula sa Middle East. Dahil sa pagsasara nito, mapipilitang dumaan sa mas malalayong ruta ang mga tanker na magreresulta sa mas mataas na shipping cost at posibleng dagdag-presyo sa produktong petrolyo.
Ayon kay Atty. Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, “Hindi malayo na mag-i-increase. Nakita na nga natin ’yun noong June 2022.”
Nakikipagpulong na rin ang DOE sa mga kumpanya ng langis upang talakayin ang posibleng staggered o paunti-unting pagpapatupad ng anumang magiging pagtaas ng presyo upang mabawasan ang bigat nito sa mga konsyumer.
Umaasa ang Pilipinas sa Middle East, partikular sa mga bansang nasa paligid ng Persian Gulf, para sa tinatayang 90% ng inaangkat nitong langis.
Dahil dito, nananatiling vulnerable ang bansa sa anumang pagkaantala sa suplay na maaaring idulot ng kaguluhan sa Strait of Hormuz.
Ang naturang Strait na matatagpuan sa pagitan ng Iran at Oman ang nag-uugnay sa Persian Gulf at Indian Ocean.
Tinatayang nasa 20% ng kabuuang suplay ng langis sa buong mundo ang dumaraan dito, at halos isang katlo nito ay nagmumula sa Saudi Arabia, batay sa datos ng U.S. Energy Information Administration.
Batay naman sa tala ng DOE, higit kalahati ng inaangkat na krudo ng Pilipinas ay nagmumula rin sa Saudi Arabia, kaya’t anumang aberya sa rehiyon ay may direktang epekto sa lokal na presyo ng produktong petrolyo.