Mamaya na ko na gagawin, may oras pa naman!
Nasabi n’yo na rin ba ang mga katagang ‘to? ‘Yong tipong paulit-ulit na ipinagpapabukas ang gawain hanggang sa naabutan na ng deadline at namadali na nang lubusan ang paggawa rito.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Positive Psychology.com, ang procrastination ay ang intentional delay o sadyang pagpapaliban ng isang aksyon o gawain, sa kabila ng mga posibleng negatibong epekto nito.
Base rin sa nasabing pag-aaral, ang procrastination ay may kaakibat na pagtaas ng stress at mababang task performance at kalidad ng pamumuhay dahil sa kabalisaan at depresyon na dala nito.
Sa pag-aaral ng The University of Melbourne, bagama’t normal at parte ng human behavior ang procrastination, ito maituturing na katamaran.
Ngunit kung paulit-ulit itong nakasasagabal sa mga gawain, mahalagang matukoy kung bakit ito ginagawa bago malaman kung anong mga estratehiya ang gagawin para mabawasan o maiwasan ito.
Ayon sa pag-aaral na ito, ang mga sumusunod ang kadalasang dahilan kung bakit nauuwi sa procrastination ang gawain ng isang indibidwal:
- Perfectionism
Dito ay kadalasang nais ng indibidwal na walang kamalian sa kaniyang proseso at output.
Ang pag-iisip na ito ay pumipigil sa indibidwal para maka-usad dahil sa takot na magkaroon ng mga negatibong resulta.
- Pag-iwas sa kabalisaan at kabiguan
Kadalasan, nangyayari ito kapag ang gawain ay hindi kaaya-aya para sa indibidwal, mahirap, o tila masyadong mataas kumpara sa kakayahan nito.
Dito ay nakikita ang pagpapaliban sa gawain bilang pag-iwas sa nakakabagabag na pakiramdam.
- Poor time management
Ayon din sa pag-aaral na ito, ang pagkakaroon ng hindi magulong time management ay nagdudulot para hindi masunod ang nakatakdang schedule at kakulangan sa oras para makatapos ng gawain.
- Distraction
Panghuli ay ang mga pangyayari o bagay na pumupukaw sa atensyon kaysa gugulin sa pagtapos ng gawain.
Dahil dito, paano ba ang tamang paraan para mabawasan o matigil ang procrastination?
Two-minute rule
Ayon sa author ng best-selling na librong “Atomic Habits” na si James Clear, posibleng unti-unting mabawasan at matigil ang procrastination sa pamamagitan ng “two-minute rule.”
Sa rule na ito, hinihikayat ang indibidwal na paliitin at hatiin ang isang malaking gawain, at kung maaari, aabutin lamang ng isa hanggang dalawang minuto para simulan.
Ilan sa halimbawang ibinigay ni Clear dito ay ang mga sumusunod: - Ang gawain na pagbabasa ng libro gabi-gabi ay magiging pagbabasa ng isang page sa isang gabi.
- Ang gawain na pagtitiklop ng labahin ay magiging pagtitiklop ng isang pares ng medya.
- Ang gawain na pagtakbo ng tatlong milya ay magiging pagtatali ng sapatos.
Maging malinaw sa layon ng gawain
Ayon sa Psychology Today, mahalagang pagtuonan ng pansin ang magiging pangmatagalan na epekto ng gawain o long-term effects nito.
Ilan sa mga halimbawang ibinigay rito ay ang posibleng gaan ng pakiramdam kapag nakita ng indibidwal na malinis ang kaniyang damitan at ang pagtaas ng self-confidence sa palagiang pag-eehersisyo.
Pagsulat ng gawain sa kalendaryo at pagiging realistic
Ayon pa sa Psychology Today, dahil kadalasan, naiisip ng ilang tao na marami silang oras, ang pag-schedule ng kanilang gawain sa kalendaryo, kung saan masusulat nila pati ang nakatakdang oras lamang para rito, ay posibleng makatulong para hindi ito makalimutan at maipagpaliban.
Kasama rito ang pagiging realistic o makatotohanan sa itinakdang timeline at gawain, para matapos ito at mas makilala ang mga sariling kakayahan at limitasyon.
Sean Antonio/BALITA