Aabot sa mahigit isang (1) milyong mga bata ang matagumpay nang nabakunahan ng Department of Health (DOH) sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa unang linggo ng kanilang DOH-Ligtas Tigdas ngayong 2026.
Ayon sa naging pahayag ng DOH sa kanilang Facebook page nitong Sabado, Enero 24, mula umano ang datos ng mahigit isang milyong nabakunahan nila mula sa huling tala nila noong Biyernes, Enero 23, 2026.
“Sa huling tala ng Department of Health (DOH) kagabi, January 23, 2026, umabot na sa mahigit isang milyong bata ang nabakunahan sa unang linggo ng DOH-Ligtas Tigdas sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM,” mababasa sa simula ng kanilang post.
Screenshot mula sa FB post ng DOH.
Anang DOH, maituturing na 36% ang mahigit isang milyong nabakunahan nila ng kabuuang bilang na 2.8 milyong mga batang edad 6 hanggang 59 buwang gulang, o wala pang 5 taon, na target nilang mabakunahan sa Phase 1 ng DOH-Ligtas Tigdas.
“36% ito ng 2.8 milyong batang edad 6 hanggang 59 na buwang gulang o wala pang 5 taon na target mabakunahan ng DOH sa Phase 1 ng DOH-Ligtas Tigdas,” saad nila.
Dagdag pa nila, “Pinakamaraming nagpabakuna sa Northern Mindanao kung saan 230,000 na bata ang pinabakunahan na ng kanilang mga magulang.”
Samantala, bukod naman sa bakuna para sa tigdas at tigdas-hangin, nagbigay rin umano ang DOH ng Vitamin A para sa mga bata.
Paliwanag nila, mabilis na kumakalat ang tigdas at tigdas-hangin dahil may posibilidad daw na makahawa ang isang batang may tigdas sa 16 na bilang ng mga batang wala pang bakuna.
“Una nang inihayag ng DOH na mabilis kumalat ang tigdas at tigdas-hangin, dahil ang isang batang may tigdas ay pwedeng makahawa ng labing-anim na batang walang bakuna. Sa pamamagitan ng pagbabakuna, maiiwasan na maospital at mamatay ang mga bata dulot ng tigdas,” paglilinaw nila.
Anila, magpapatuloy ang pagbabakuna nila sa Mindanao hanggang sa parating na buwan ng Pebrero, habang susundan ito ng pagbabakuna naman nila sa Luzon at Visayas sa parating ng buwan ng Hulyo.
“Tuloy-tuloy naman ang pagbabakuna sa Mindanao hanggang Pebrero, na susundan sa Luzon at Visayas sa darating na Hunyo,” ‘ika nila.
“Makipag-ugnayan po sa inyong lokal na pamahalaan dahil ang Ligtas Tigdas vaccination ay isinasagawa sa mga komunidad ng parehong DOH at LGU,” pagtatapos pa nila.
MAKI-BALITA: Mahigit 1.3M pasyente, walang binayaran dahil sa ZBB noong 2025!—DOH
MAKI-BALITA: DOH, ipinaalalang mas mabilis makahawa ang ‘super flu’
Mc Vincent Mirabuna/Balita