January 24, 2026

Home BALITA Politics

'Di patulog-tulog sa pansitan!' Sen. Robin rumesbak para kay Sen. Bato

'Di patulog-tulog sa pansitan!' Sen. Robin rumesbak para kay Sen. Bato
Photo courtesy: Robin Padilla (FB)/via MB

Ipinagtanggol ni Sen. Robin Padilla ang kapwa senador at kasamahan sa PDP Laban na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa matapos ang mga puna at panawagang papanagutin ang huli kaugnay ng umano’y hindi pagdalo sa ilang sesyon ng Senado.

Sa isang Facebook post, iginiit ni Padilla na hindi dapat kuwestiyunin ang dedikasyon ni Dela Rosa sa serbisyo-publiko. Ayon sa kaniya, may mahabang rekord ng propesyonalismo ang senador mula pa noong aktibo itong naglilingkod bilang pulis, at hindi umano ito “pulis patola,” bagkus ay beteranong nakaranas ng aktuwal na operasyon at panganib sa iba’t ibang panig ng bansa.

Matatandaang si Dela Rosa ay hepe ng Philippine National Police (PNP) sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang-diin ni Padilla na ang pagiging senador ay hindi lamang nasusukat sa presensya sa opisina o sa pagharap sa media at mga pagdinig, kundi sa konkretong aksyon at pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan.

Politics

Supporters ni ex-VP Leni, PBBM pinagsasanib-pwersa ni Trillanes sa 2028

Aniya, mas alam ni Dela Rosa ang kalagayan ng malaking bahagi ng populasyon na nabubuhay sa kahirapan at may malalim na pag-unawa sa mga usaping may kinalaman sa depensa at seguridad ng bansa.

Ipinunto rin ng mambabatas na “man on the ground” si Dela Rosa at hindi lamang umaasa sa teorya at datos. Dagdag pa niya, maayos umano ang takbo ng opisina ng senador, may sapat na kawani, at may kakayahang ipagpatuloy ang mga panukalang batas sa tulong ng teknolohiya at koordinasyon ng kanyang staff.

Kaugnay ng usapin ng hindi pagdalo sa sesyon, sinabi ni Padilla na hindi umano ito maituturing na pagpapabaya, kundi bahagi ng pinagdaraanang sitwasyon ni Dela Rosa na may kinalaman sa mga isyung kinakaharap niya.

Binigyang-diin niyang nananatiling senador ng sambayanang Pilipino si Dela Rosa, hindi lamang ng gusali ng Senado.

Sa huli, nanawagan si Padilla na iguhit ang malinaw na kaibahan ng mga pinipiling “magpakasarap” sa buhay at ng mga lider na itinutulak ng mga pangyayaring kinakaharap nila, kasabay ng paninindigang ipagpatuloy ang pagsusulong at pagtatanggol sa mga panukala ni Dela Rosa.

Matatandaang noong Disyembre, hindi na pumasok sa sesyon sa Senado si Dela Rosa matapos ang pagkalat ng alingasngas na umano'y may warrant of arrest na laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC). 

Kaugnay pa rin ito sa kasong crimes against humanity sa umano'y madugong war on drugs ni FPRRD noong kaniyang administrasyon.