January 08, 2026

Home BALITA National

11M bata, target mabakunahan sa Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero

11M bata, target mabakunahan sa Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero
MB FILE PHOTO

Target ng Department of Health (DOH) na makapagbakuna ng nasa 11 milyong bata sa ikakasa nilang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR SIA) o ang Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero 2026.

Ayon sa DOH, ang measles (tigdas) at rubella (tigdas hangin) ay lubhang nakahahawang sakit na maaaring mauwi sa komplikasyon lalo na sa mga batang edad 5 taong gulang pababa.

Anang ahensiya, sa isasagawang Ligtas Tigdas ngayong Enero, mula sa karaniwang pagbabakuna sa tigdas para sa mga batang edad 9 at 12 buwang gulang, babakunahan maging ang mga batang edad 6 hanggang 59 buwang gulang o 5 taong gulang pababa, anuman ang kanilang vaccination status.

“Tinatayang halos 11 milyong bata ang mababakunahan sa buong bansa,” anito pa.

National

Kung siya masusunod? Sen. Erwin Tulfo, itutulak zero unprogrammed funds sa 2027

Nabatid na ang Phase 1 ng Ligtas Tigdas ay isasagawa sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Enero 19 hanggang Pebrero 13, 2026 kung kailan target nilang mabigyan ng bakuna ang 2.8 milyong bata.

Ikakasa naman ang Phase 2 ng programa sa Luzon at Visayas simula sa Hunyo 2026.

Ayon sa DOH, target nilang mabakunahan ang nasa 5.6 milyong bata sa Luzon at 1.9 milyon naman sa Visayas.

Una nang tiniyak ng DOH na handa na ang mga bakunang gagamitin para sa naturang mass vaccination at mismong si Health Secretary Teodoro Herbosa pa ang nanguna sa pag-i-inspeksiyon sa mga ito.