Nasawi ang isang babaeng naliligo lamang sa ilog matapos siyang matuklaw ng King Cobra sa North Cotabato.
Ayon sa mga ulat, dead on arrival na ang biktima nang madala siya sa ospital bunsod ng mabilis na pagkalat ng kamandag sa kaniyang katawan.
Samantala, bunsod na rin ng takot at galit ng ilang mga kasama ng biktima at mga nakasaksing inidibidwal sa naturang ilog, agad nilang pinagtulungang mahuli ang King Cobra o mas kilala sa tawag na “Banakon,” at saka nila ito pinatay.
Matatandaang nakasaad sa ilalim ng Department of Environment and National Resources (DENR) Administrative Order No. 2019-09, itinuturing na "threatened species" ang mga King Cobra sa bansa bunsod ng nalalabing bilang ng pagkaubos nito.
Nakasaad din sa naturang administrative order ang pagbabawal sa pagbebenta at pagpatay sa anumang uri ng cobra sa Pilipinas.
Ayon sa Department of Health (DOH) mayroon lamang 30 minuto ang mga pasyenteng natuklaw ng cobra para maisugod sila sa ospital at malapatan ng paunang lunas at anti-venom.
Kaugnay pa rin ng mga King Cobra, mahigpit namang pinag-iingat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMO) sa Algeria, Cebu ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa hiking at camping bunsod ng posibilidad na mas maraming paglitaw ng mga King Cobra.
Ayon sa nasabing lokal na awtoridad, mula Enero hanggang Abril ang itinuturing na "breeding season" ng mga cobra kung kaya't inaasahang mas magiging madalas ang posibilidad ng engkwentro nito sa mga komunidad at kagubatan.