January 25, 2026

Home BALITA Politics

Nakangiti pa! Ombudsman Boying Remulla hindi AI, buhay na buhay

Nakangiti pa! Ombudsman Boying Remulla hindi AI, buhay na buhay
Photo courtesy: Paolo De Andres Capino/FB

Ibinahagi ng radio broadcaster na si Paolo Capino ang selfie niya, hagip si Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla habang nasa loob sila ng DZRH studio.

Sa nabanggit na Facebook post ni Paolo nitong Sabado, Enero 3, makikita sa larawan ang nakangiting si Remulla gayundin ang co-host ni Paolo sa programa na si Sen. JV Ejercito.

Naimbitahan si Remulla bilang guest sa programa nila para sa isang panayam.

"Grabe ka na 2026! with Ombudsman Boying Remulla," mababasa sa caption ng post.

Politics

Torre kinarga ang 'sexy misis,' hinikayat tumakbo sa 2028

Photo courtesy: Screenshot from Paolo De Andres Capino/FB

Isang netizen naman ang nagsabing hindi raw "AI" o gawa sa artificial intelligence ang nabanggit na larawan.

"Hindi AI yan PAO saksi ako hahahaha," mababasa mula sa komento ng netizen.

Matatandaang kumalat ang bali-balitang isinugod daw sa isang ospital ang Ombudsman, bagay na pinabulaanan naman ng kapatid niyang si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla noong Biyernes, Enero 2.

Pinasinungalingan din ito ng Assistant Ombudsman na si Mico Clavano

"Fake news,” aniya. “He had a hearty Sinigang this morning for breakfast," aniya.

Kaugnay na Balita: SILG Jonvic Remulla, pinabulaanang sinugod si Ombudsman Boying Remulla sa ospital

Matatandaang sa panayam kay Luchi Cruz-Valdes, inamin ni Remulla ang mga pinagdaanan niya hinggil sa kaniyang kalusugan, subalit pinagdiinang nalampasan niya na ito.

Ayon kay Remulla, noong 2023 ay natuklasan ng mga doktor na may sakit siya sa puso at kinailangan niyang sumailalim sa open heart bypass surgery.

Hindi lamang isa kundi limang bypass ang isinagawa sa kaniya upang maayos ang daloy ng dugo sa kaniyang puso.

Matapos na maging matagumpay ang operasyon at habang siya’y nagpapagaling, na-diagnose naman siya ng pagkakaroon ng cancer of the blood o leukemia.

Ibinahagi rin ni Remulla na siya ay sumailalim sa gamutan sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC). Dumaan siya sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body irradiation, at bone marrow transplant bilang bahagi ng kaniyang gamutan.

"Kaya ang dugo ko ngayon ay hindi na 'yong dati kong dugo," saad ni Remulla.

"Ito ay dugo na galing sa aking anak. Full match kami. Kaya naka-recover ako, at mukhang maganda naman ang prognosis," saad pa niya.

Kaugnay na Balita: 'Ang dugo ko ngayon, galing sa aking anak!' Ombudsman Boying, binunyag na nagka-leukemia siya