December 11, 2025

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’
Photo Courtesy: Tan Ge Rine (FB)

Malaking dagok para sa isang fur mom ang nangyari sa alaga niyang pusa matapos niyang dalhin ito sa isang veterinary clinic para turukan sana ng pampatulog.

Sa isang Facebook post ni “Tan Ge Rine” noong Disyembre 5, ikinuwento niya kung paano humantong sa kamatayan ang dapat sana ay para sa ikabubuti ng kaniyang alaga.

“Dinala ko si Gelo sa vet para gumaling pero ang nangyari tinurukan siya ng pampatulog na hndi na talga magigising,” lahad ni “Tan Ge Rine.”

Dagdag pa niya, “Euthanasia ang itinurok na hndi muna ako pinaliwanagan Kung anu Yung ituturok nya, basta pg pasuk nmin nilagay na agd si Gelo sa loob, at tinanong ako kung sure na ba ako sabi ko, 'opo.’ Di ko alam na papatayin na pala”

Kahayupan (Pets)

#BalitaExclusives: Residente sa Palawan, umapelang 'wag pakainin mga gumagalang unggoy sa kalsada, bakit?

Ayon sa fur mom, saka lang siya nagkaroon ng ideya na iba sa inaasahan niyang medical procedure ang ginawa sa alaga niya nang tanungin niya ang doktor kung ilang oras ba bago ito magising.

“Ang sagot niya, ‘hindi na po magigising.’ Napakasakit,” aniya. “Hindi man lang naisip ni Dok na bakit ko dadalhin sa vet si Gelo para i-euthanasia. Kilala nya ako na nagre-rescue ng mga pusa para mabuhay, tapos sarili kong alaga at unang apo ko si gelo sa una kong pusa, bakit ko namn ipapa-euthanasia ang sarili kong apo?” 

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 35K reactions at 6.6K shares ang nasabing post. Sinubukan ng Balita na hingin ang panig ng fur mom ngunit wala pa siyang binibigay na tugon. 

Ang euthanasia ay isang intensyonal na pagkitil sa buhay ng isang tao o hayop. Ginagawa ito para wakasan ang malubhang sakit o paghihirap na dinadamdam nila. 

Legal itong gawin sa mga hayop ngunit sa natatanging humane reason lamang sang-ayon sa Animal Welfare Act o Republic Act 8485.

Bagama’t legal ang euthanasia para sa mga hayop, ipinagbabawal at ikinokonsidera itong criminal act kapag sa tao ginawa.