Iginiit ng Commission on Human Rights (CHR), sa pagdiriwang ng National Human Rights Consciousness Week ngayong Disyembre 4 hanggang Disyembre 10, na hindi lamang tuwing may selebrasyon dapat pinag-uusapan ang karapatang pantao, kundi bahagi ito ng pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino.
Ayon sa post na makikita sa opisyal na Facebook page ng CHR, sinabi nilang makikita ang karapatang pantao sa mga simpleng bagay, gaya ng pagkaing nasa hapag, sa edukasyong nagbubukas ng oportunidad, sa serbisyong pangkalusugan, sa ligtas na pamayanan, at sa paggalang sa dignidad ng bawat tao.
"Ito ang mga pang-araw-araw na kailangan upang tayo ay mamuhay nang malaya, ligtas, at may dignidad," anila.
Sa temang “Karapatang Pantao: Kasama sa Araw-Araw,” nananawagan daw ang CHR at mga katuwang na ahensya na kilalanin at isabuhay ang karapatan ng lahat.
Anila pa, ang karapatang pantao ay dapat araw-araw na tinatamasa at pinangangalagaan para sa isang makatarungan at makataong lipunan.
Mandato ng komisyon na tutukan at imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga nasa gobyerno.
ANO NGA BA ANG MANDATO NG CHR?
Ayon mismo sa CHR, sa usapin ng karapatang pantao, ang estado ang may pangunahing obligasyon na pangalagaa’t itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan.
Ang CHR, bilang ahensyang itinatag upang maging tagapagbantay ng pamahalaan, ay may mandatong i-monitor kung nagiging tapat ba ang gobyerno sa kaniyang mga tungkulin, at punahin ang kawalang aksyon ng pamahalaan sa mga nangyayaring paglabag ng karapatang pantao sa bansa.
Sa inilabas na infographics ng komisyon noong 2017, nagbigay sila ng paliwanag kung saan at paano dapat magreklamo ang isang taong biktima ng krimen o paglabag sa karapatang pantao.
Maaaring i-report o isumbong sa CHR kung "taong gobyerno" ang nakalabag sa karapatang pantao gaya ng pulis, sundalo, mga huwes at iba pa.
Kung sakaling pribadong mamamayan naman ang nakalabag sa karapatang pantao ng sinuman, kagaya na lamang ng pagnanakaw, panggagahasa, o pagpaslang, dapat itong idulog sa pulis.
Kapag may digmaan naman o armadong sigalot, kapag nakaranas ng pang-aabuso sa kapangyarihan mula sa pulis o militar at nilabag ang international human rights law, nararapat lamang na dumulog sa pulis at mag-report din sa CHR.
Kung mga armadong grupong hindi miyembro ng militar o pulis naman ang gumawa ng paglabag, dapat ding lumapit sa pulis at CHR.
Kung sakali namang bahagi ng marginalized group ang isang nabiktima, dapat ding magsumbong sa pulis at CHR.