Hindi raw mamamatay ang isang tao hangga’t mananatili sa diwa ng mga naiwan nito ang kaniyang alaala.
Kagaya ng pag-aalala sa katanyagan at mahalagang pag-iral ng mga itinuring na dakila’t bayani ng bayan halimbawa ni Gat Andres Bonifacio.
Ang Ama ng Rebolusyon at Supremo ng Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na naitatag noong ika-7 ng Hulyo, 1892 sa pangunguna ni Andres.
Isinilang noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila, eksaktong 162 na taon na ang nakalilipas.
Sa ganitong panahon, lagi’t laging sinasariwa ng Pilipino ang mga iniwang aral at impluwensya ni Andres para sa pangangarap ng isang malaya at mapayapang bayan.
Ngunit ano-ano nga bang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ni Andres ang dapat na maalala at malaman ng Pilipino upang magpatuloy ang alaala ng mga kagitingang iniwan niya sa mundo?
Naulila sa edad na 14 anyos sa mga magulang na sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro nang mamatay ang mga ito sa sakit na tuberkulosis.
Dahil dito, tumayong magulang sa murang edad si Andres bilang panganay sa lima pa niyang nakababatang kapatid na sina Procopio, Ciriaco, Troadio, Espiridiona, at Maxima sa pamamagitan ng pagtitinda ng baston at pamaypay. Masugid din niyang ginampanan ang pagtatrabaho bilang ahente at klerk.
Maituturing ding mahalaga sa kasaysayan ni Andres ang pagkahilig nitong magbasa ng mga nobela ng kapuwa niya bayaning si Dr. Jose Rizal. Nagawa rin niyang isalin sa Tagalog ang akdang Les Miserables ni Victor Hugo. Gayon din ng pagkahilig magsulat partikular ng tanyag niyang tula na “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.”
Ika-7 ng Hulyo, 1892 nang itatatag ni Andres kasama sina Valentin Diaz, Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, at ilang manggagawa ang Katipunan at italaga niyang bilang Supremo nito.
Lilipas ang humigit-kumulang limang taon, Marso 22, 1897, magaganap ang Tejeros Convention kung saan magwawagi bilang Pangulo si Emilio Aguinaldo mula sa paksyong grupo ng Katipunan sa Cavite na Magdalo. Maitatalaga si Andres bilang Director of the Interior ngunit aalma ang isang miyembro ng Magdalo na si Daniel Tirona dahil sa kakulangan umano ng pinag-aralan nito.
Magagalit si Andres at pawawalan ng bisa ang naging resulta ng nasabing halalan dahil sa mga pandarayang naganap.
Ipinag-utos ni Aguinaldo ang pagpapahuli kay Andres at pangungunahan ito ni Agapito Bonzon at magkakaroon sila ng engkwentro kung saan unang mapapaslang ang kaniyang nakababatang kapatid na si Ciriaco.
Abril 29 hanggang Mayo 4, 1987, mahahatulang nagkasala si Andres sa kasong sedisyon at pagtataksil sa kabila ng umano’y kakulangan ng mga ebidensya laban sa kaniya at kapatid nito.
Mayo 10, 1987, sa pag-uutos ni Heneral Noriel kay Lazaro Makapagal kasama ang apat nitong sundalo, dinala nila ang magkapatid na sina Andres at Procopio sa pagitan ng mga bundok Buntis o Nagpatong (ayon sa mga tala sa kasaysayan) sa Maragondon, Cavite. Dala ang liham na ibinigay ni Noriel kay Makapagal at inutos na basahin lamang kapag nakarating na sa bundok, doo’y binasa niya ang kautusang parusang kamatayan para kina Andres at Procopio.
Matapos nito, hindi pa rin magiging malinaw kung paano ang naging karumal-dumal na pagpaslang kay Andres at Procopio. May mga kuwentong pinagtataga raw ng tabak sina Andres hanggang sa mamatay dahil nagtitipid sa bala ang mga sundalo noon habang may ilan ding tala na binaril sina Andres dahil sa pagtatangka nilang manlaban.
Wala ring tiyak na lokasyon kung saan ibinaon ang kaniyang labi.
Ngunit sa kabila ng kapaitang sinapit na ito ni Andres, mananatiling makasaysayan ang minsan niyang paglaban sa mga mananakop na Kastila para sa kasarinlan ng Pilipinas.
Hindi maitatangging mahalaga ang naging pag-iral ni Andres at mga katulad nakilala o hindi man nakilalang bayani sa kalayaang tinatamasa ngayon ng bawat Pilipino.
Dahil kung pinili na lang ba sana ni Andres ang mapayapang buhay kasama si Oryang at hindi na makialam sa mga usaping panlipunan sa panahon ng pananakop ng Espanya, magkakaroon kaya ng Independencia ang bansang ito?
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'
MAKI-BALITA: Hu u, Andres? O kung bakit lagi’t lagi kang kailangang i-undress
Mc Vincent Mirabuna/Balita