Dead on the spot ang isang 14 taong gulang na dalagita matapos siyang aksidenteng mabaril sa operasyon ng pulis laban sa kaniyang 55-anyos na tiyuhin at suspek sa pag-aamok sa Iligan City, noong Nobyembre 19, 2025.
Ayon sa Police Regional Office–Northern Mindanao (PRO-10), rumesponde ang mga pulis sa isang tawag matapos umanong magwala ang suspek na armado ng bolo at karit at habulin ang kaniyang pamangkin sa lugar.
Pinaniniwalaang lasing ang suspek nang maging agresibo ito. Hindi rin umano iyon ang unang insidente dahil dati na raw nitong tinaga ang isang kaanak.
Sa kabila ng mga verbal warning mula ng mga pulis, nagpatuloy ang suspek sa pagiging agresibo at umano’y tinangkang atakehin ang isa sa mga pulis, na nadulas at nadapa sa putikan.
Nagtamo ng tama ng taga sa likod at bisig ang naturang pulis.
Bunsod nito, napilitang magpaputok ang mga pulis at nabaril ang suspek. Nadamay din ang 14-anyos na pamangkin nito at tinamaan sa dibdib ng ligaw na bala.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang suspek at ang dalagita.
Patuloy namang ginagamot ang sugatang pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon sa PRO-10, iniimbestigahan na ang pangyayari upang matukoy ang mga detalye at kung may naging pagkukulang sa operasyon.
Isinailalim na rin sa ballistic examination ang mga baril na ginamit at sasailalim sa kaukulang proseso ang mga rumespondeng pulis.
“PRO-10 remains committed to the highest standards of professionalism and accountability, and we will take appropriate action should the investigation establish negligence or violations of protocol. We also recognize the courage of our personnel who faced a dangerously armed assailant while protecting the community,” pahayag ni PRO-10 Director Brigadier General Christopher Abrahano.