Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda silang tumulong sa pamilyang naulila ng Pinay caregiver na nasawi sa Tel Aviv, Israel, kamakailan, bunsod ng nagpapatuloy na girian sa Middle East.
Base sa pahayag ng DSWD nitong Martes, Pebrero 3, sa isinumiteng ulat ng Crisis Intervention Program (CIP) sa kanila, ang DSWD Field Office 1 (Ilocos Region) ay nakipag-ugnayan na sa local government unit (LGU) ng Basista, Pangasinan, upang maabot ang pamilya ng Pinay caregiver na si Mary Anne Velasquez De Vera.
Bukod sa tulong pinansyal, layon din ng DSWD-CIP magpaabot ng psychosocial support sa pamilya ni Mary Anne.
“Magbibigay po ang DSWD ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program at psychosocial support para sa kaniyang pamilya,” saad ni DSWD Asst. Secretary at spokesperson Irene Dumlao.
Ang inisyatibang ito ay bilang pakikiramay sa pamilyang naiwan ni Mary Anne, na nasa Pangasinan.
“Labis na ikinalulungkot po ng DSWD ang nangyaring pagkamatay ng ating kababayan na si Mary Anne, isang caregiver mula sa Israel. Nakikiramay kami sa naiwan niyang pamilya at handa po kami na magbahagi ng tulong sa kanila para malagpasan ang masakit na pangyayaring ito,” pakikiramay ni DSWD Asst. Secretary at spokesperson Irene Dumlao.
Matatandaang ibinahagi rin ng Philippine Embassy noong Lunes, Marso 2, na magbibigay sila ng “full assistance” sa pamilya ni Mary Anne, na taong 2019 pa nagtrabaho sa Israel.
MAKI-BALITA: Philippine Embassy, tiniyak 'full assistance' sa pamilya ng nasawing Pinay caregiver sa Israel
Ang pagkasawi ni Mary Anne ay unang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Linggo, Marso 1.
Aniya, isang shrapnel mula sa mga bumagska na bomba ang naging dulot ng pagkasawi ni Mary Anne habang tinutulungan ang kaniyang alaga na makarating sa bomb shelter.
MAKI-BALITA: 'Tinamaan ng shrapnel ng bomba!' Pinay caregiver sa Israel, namatay habang tinutulungan ang alaga
Sean Antonio/BALITA