Nakatakdang mamataan sa kalangitan ang isang total lunar eclipse o kilala rin bilang “Blood Moon” ngayong gabi ng Martes, Marso 3.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Blood Moon ay mamamataan sa Maynila at iba pang parte ng bansa sa loob ng 59 minuto at 24 segundo.
Saad pa ng PAGASA, ang buwan ay inaasahang lumabas ng 5:58 PM, na “partially eclipsed.”
Nakatakda itong pumasok sa “total eclipse” ng 7:04 PM at pagtungtong ng 7:34 PM, ang “maximum eclipse” ay mamamataan na, kung saan ang umbral shadow ng mundo ay 100% tatakip sa bilog ng buwan.
Habang ang binokular ay hindi kinakailangan upang makita ang eclipse, makakatulong ito upang malinaw na makita ang buwan at ayon pa sa PAGASA, hindi katulad ng solar eclipse, ang lunar eclipse ay ligtas pagmasdan at hindi kinakailangan ng anumang protective eyewear.
Bukod sa paghahanda upang malinaw na mapanood ang eclipse ano-ano rin ba ang mga paniniwala ng maraming Pinoy hinggil sa paglabas nito?
BAKUNAWA
Bago sakupin ng mga dayuhan ang Pilipinas, naniniwala ang mga ninuno na ang eclipse ay nagdadala ng mga sakuna, sakit, at kapahamakan sa mga buntis at sa sanggol sa sinapupunan nito.
Nagmula ito sa sinaunang paniniwala na noong gumawa ng pitong buwan si Bathala upang bigyan ng liwanag ang gabi, kinain ni Bakunawa o Laho ang anim rito, kung kaya’t isa na lamang ang natira.
Kaya upang maprotektahan ang natitirang buwan, nakaugalian na ng mga ninuno na mag-ingay tuwing may eclipse upang maitaboy si Bakunawa.
Habang sa ibang lugar sa bansa, nagpapatugtog sila ng malulumanay na tugtugin upang mapatulog si Bakunawa.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Si Bakunawa, ang pinaniniwalaang dahilan ng eclipse
PAGKABULAG
Ayon sa ilang Pinoy, ang direktang pagtingin sa eclipse ay nagdudulot ng pagkabulag, kung kaya’t ang ilan ay sadyang tinatakpan ng itim na tela ang kanilang mga bintana at pinto upang maitaboy ang masasamang espiritu na iniuugnay sa paglabas ng eclipse.
PAGKASIRA NG PAGKAIN
Ayon naman sa iba, pinaniniwalaan na ang mga pagkain na inihanda at niluto sa kasagsagan ng eclipse ay madaling mapanis o masira, kaya may mga Pinoy na iniiwasang kumain o maglabas ng anumang pagkain tuwing eclipse.
PAGBABAGO NG PAG-UUGALI
Ayon sa pag-aaral na nakalathala sa “The Old Farmer’s Almanac,” naniniwala ang ilan na ang eclipse ay nagdudulot ng pagbabago sa isip ng isang tao.
Kung saan, naiuugnay ito sa pagkakaroon ng mga aksidente dahil sa umano’y pagkabaliw o pagiging bayolente ng mga tao sa kasagsagan ng eclipse.
PANGITAIN SA MGA SAKUNA
Sa paniniwala ng iba pa sa kasaysayan, ang eclipse ay hudyat ng mga sakuna tulad ng lindol, kung kaya’t lubos ang nagiging pag-iingat ng ilan tuwing eclipse dahil ayon dito, ang sakuna ay maaaring dumating ng anumang oras, sa pagtakip ng buwan.
Sean Antonio/BALITA