Nagpahayag ng pag-alma ang kampo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Brice Hernandez sa naging desisyon ng Senado na ilipat siya Pasay City Jail.
Matatandaang noong Miyerkules, Setyembre 10, 2025 nang mapagkasunduan ng Senado na ilipat mula Philippine National Police (PNP) Custodial Center patungong Pasay City Jail si Hernandez na kasalukuyang may contempt order.
Sa pahayag ng abogado ni Hernandez na si Atty. Ernest Levanza nitong Huwebes, Setyembre 11, 2025, tinawag niyang tila "retaliatory," umano ang nasabing desisyon ng Senado.
"It is unfortunate that the Senate had to pull out all the stops just to have my client transferred from the PNP Custodial Facility to Pasay City Jail," ani Levanza.
Dagdag pa niya, "The motive behind this action is highly suspect and appears to be retaliatory,"
Giit pa ni Levaranza, hindi raw dapat gumagawa ng paraan ang Senado upang mawalan ng lakas ng loob ang sinumang potensyal na maging witness.
"If the Senate is truly sincere in its efforts to finally thresh out the truth, it should not discourage potential witness who are prepared to point to those truly responsible," saad niya.
Si Hernandez ang nagsiwalat at nagdawit sa dalawang senador na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na umano'y mga humihingi rin ng kickback sa pondo ng flood control projects.
“Tama si Senador [Ping] Lacson, ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang,” saad ni Hernandez. “Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara.”
Ayon kay Hernandez, pumalo umano sa ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang ₱600 milyon naman umano ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects