Inilahad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na may nararamdamang pagkabahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa kinahaharap nitong impeachment complaints.
Sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Lunes, Pebrero 2, nilinaw ni Castro na hindi para sa sarili ang pagkabahalang nararamdaman ni PBBM.
“Una ko na pong sinabi, ang pagsasampa po ng impeachment complaint laban po sa Pangulo, hindi Pangulo lamang ang maaapektuhan nito—kung ‘di ang buong bansa, at pati ekonomiya,” saad ni Castro.
Giit niya, “So, nababahala po ang Pangulo sa impeachment complaint na isinampa sa kaniya hindi para sa sarili niya, dahil alam niya na wala siyang ginawang mali at walang impeachable offense siyang nagawa. Pero nag-aalala siya sa epekto nito sa ekonomiya.”
Nito ring Lunes, Pebrero 2, sinimulan na ang pagdinig sa dalawang impeachment complaints na nakahain laban sa Pangulo, kung saan idineklara ng House Committee on Justice na pareho itong “sufficient in form.”
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Abante, nag-walkout matapos ideklarang 'sufficient in form' ikalawang impeachment kay PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB