Nilinaw ng beteranong mamamahayag na si Dindo Balares na buhay ang kaniyang matalik na kaibigan, ang “Queen of All Media” na si Kris Aquino.
Ibinahagi ni Dindo sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 4, ang mga kasalukuyang pangyayari kay Kris. Aniya, may good news at bad news ngayon ukol sa aktres na siyang dinala muli sa ospital.
“May bad news at may good news. Unahin na agad natin ang bad news, para happier ending tayo later sa good news. Last Saturday, lima ang tumawag at nagtanong — apat na mga kaibigan sa press at auntie ko ang isa pa. Sa unang nagtanong pa lang, muntik na akong tubuan ng nerbiyos! Parang yumanig ang Earth at bigla akong nahilo. Kung totoo raw ang information na nakarating sa editorial desk nila. Si Kris Aquino raw, dead na,” ani Dindo.
“Paanong 'di nenerbiyusin, ilang araw kaming 'di nagkontakan ni Krisy after ng successful surgical procedure sa kanyang blood clots. Kasi, okay naman na, unlike 'pag may emergency or critical situations na kailangang nakaantabay o nakaalalay,” dagdag pa niya.
Paglalahad pa niya, kahit siya ay nagtatanim sa Bicol, sinisiguro niyang may signal ang pinupuntahan niyang mga lugar sapagkat ayaw niyang natatagalan ang pagtugon sa mga mensahe ng kaniyang kaibigan.
Nang makontak niya si Kris, nakahinga siya nang maluwag, sapagkat napagtanto niyang buhay pa ang kaibigan. “She's really alive!” aniya.
Kinuwento niya kay Kris ang death hoax umano sa mga pahayagan, at tumugon naman dito ang kaniyang kaibigan.
"Maybe coming from here…You know my BP was going crazy. My WBC dropped. Waiting for my doctors to explain,” ani Kris.
"My BP NOW. Scary. When I reached 172/112, I told Alvin to call St. Luke's for an ambulance. I don't want you to worry, kuya Dindo. Kaya pa,” dagdag pa nito.
Inilarawan niya rin na sa kasalukuyan, si Kris ay “in high spirits” dahil umano sa pagbaba ng mga blood clot sa dugo nito. Nagpapasalamat din daw ito sa mga panalanging inalay para sa kaniya.
Ibinahagi niya rin na dahil sa magandang balita, “unli-kuwentuhan” ulit sila ng kanyang matalik na kaibigan.
Siniguro rin ni Dindo ang mga followers ni Kris na ito ay nananatiling matapang sa kabila ng mga dinaramdam nito. Aniya, si Kris na mismo ang nagsabing kaya pa nito.
Vincent Gutierrez/BALITA