Ipinagtanggol ni Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila De Lima si Naga City Mayor Leni Robredo mula sa mga pinakawalang pahayag ni dating Senador Sonny Trillanes IV laban dito.
Matatandaang sa isang panayam kay Trillanes sa “Storycon” noong Martes, Agosto 5, ay sinabi niya na kung sakaling nanalo si Robrero noong 2022 presidential elections ay wala umano itong balak isuko sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Duterte ay kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA ARTIKULO: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Bukod dito, isiniwalat din ni Trillanes na ipinabibinbin umano ni Senador Bam Aquino ang warrant of arrest para kay Duterte dahil baka makaapekto ito sa kandidatura nito.
Kaya sa latest Facebook post ni De Lima nitong Miyerkules, Agosto 6, naghayag siya ng lungkot sa mga sinabi ni Trillanes.
“Nakakalungkot, dahil kung sino pa ang mga kasama natin sa laban, sila pa ang pinagbubuntunan ng duda at pag-aakusa. Hindi ito ang panahon para maghinala. Hindi ito ang oras para magbangayan,” saad ni De Lima.
“As a friend and ally,” pagpapatuloy niya, “I can attest to VP/Mayor Leni's unwavering commitment to justice and human rights. No one who stood with us during the darkest days of impunity and persecution can honestly accuse her of being soft on accountability, least of all on Duterte.”
Ayon kay De Lima, hindi niya alam kung saan nag-ugat ang mga sinabi ni Trillanes. Ngunit malinaw umano sa kaniya ang epekto nito: dibisyon, distraksyon, at disimpormasyon.
Kaya naman nanawagan siyang huwag ipagkamali kung sino ang kaaway sa kakampi. At huwag din umanong kalimutan kung sino talaga ang nasa likod ng pagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
“Ang laban natin ay hindi laban sa isa’t isa. Ang laban natin ay laban para sa bayan. Para sa hustisya. Para sa katotohanan. Para sa mga Pilipinong matagal nang pinagkaitan ng dignidad at katarungan,” pahabol pa ni De Lima.
Samantala, wala pa namang pahayag o reaksiyon si Robredo kaugnay sa mga pahayag ni Trillanes laban sa kaniya. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.