April 03, 2025

Home BALITA National

PBBM, hinikayat mga botante na huwag makinig sa mga kandidatong ‘puro dada nang dada’

PBBM, hinikayat mga botante na huwag makinig sa mga kandidatong ‘puro dada nang dada’
(Courtesy: PCO/FB screengrab)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipinong bumoto ng mga kandidatong “puro gawa” at hindi umano ang mga puro lamang “dada nang dada.”

Sinabi ito ni Marcos sa kaniyang talumpati sa campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa San Jose del Monte, Bulacan, noong Biyernes, Pebrero 28.

Anang pangulo, dapat umanong iluklok sa Senado ang kaniyang mga ineendorsong kandidato dahil alam na raw ng mga ito ang trabaho sa pamahalaan.

“Alam na alam nila ‘yan. Ito ang mga klase ng tao, mga klaseng taong nasa serbisyo publiko  na kung minsan hindi na lang nagsasalita at basta’t ginagawa na lang ang trabaho.”

National

Rep. Acidre, hinamon si Roque na tulungan OFWs na naaresto sa Qatar

"Huwag tayong nakikinig ng mga puro dada nang dada. Dapat ang hinahalal natin ay puro gawa," giit ng pangulo.

Sinabi rin ni Marcos na hindi umano manggugulo at makikipagtalo “kung kani-kanino” ang kanilang mga kandidato kung mahalal sila bilang mga senador sa darating na halalan.

"Pupunta sila sa Senado hindi upang manggulo, hindi upang magtalunan doon sa kanilang kapwa senador, kung kani-kanino pa. Sila ay nandiyan sa Senado upang magkaisa at ipagbuo ang magagandang batas na kinakailangan ng taumbayan. ‘Yan po ang estilo ng ating mga kandidato," ani Marcos.

Binubuo ang Alyansa slate na iniendorso ni Marcos nina dating Senate President Tito Sotto III, dating Senador Ping Lacson, dating Senador Manny Pacquiao; reelectionists na sina Senador Lito Lapid, Senador Bong Revilla, Senador Pia Cayetano, Senador Francis Tolentino, Senador Imee Marcos; maging sina Makati City Mayor Abby Binay, ACT-CIS Party-List Rep. Erwin Tulfo, Las Piñas City Lone District Rep. Camille Villar, at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary Benhur Abalos.

Inaasahan namang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.