January 29, 2025

Home BALITA Eleksyon

Pangilinan, pabor sa planong obligahin mga kandidato na dumalo sa debate

Pangilinan, pabor sa planong obligahin mga kandidato na dumalo sa debate
photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB

Pabor si senatorial aspirant Kiko Pangilinan sa plano umano ng Commission on Elections (Comelec) na obligahin ang mga kandidato na dumalo sa mga debate.

Ito raw ay upang mabigyan umano ng pagkakataon ang mga botante na masuri ang track record at plataporma ng mga kandidato.

Matatandaang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na nakahanda raw silang gumawa ng isang resolusyon na magsasaad ng obligadong pagdalo ng mga kandidato sa ikakasang election debate ng ilang media outlet.

BASAHIN: 'Bawal umabsent?' Comelec, hinikayat media na magpadebate sa senatorial aspirants

Eleksyon

Pag-imprenta ng mga balota para sa 2025 midterm elections, muli nang itinuloy ng Comelec

Sa isang pahayag, binigyang-diin ng dating senador na importante ang mga debate upang magkakaroon ang mga kandidato ng tsansang ihain sa publiko ang kanilang plataporma, programa at mga plano para sa mga Pilipino.

"Importante ito hindi lamang sa mga kandidato na nanliligaw ng boto at naghahangad na ipaalam sa publiko ang kanilang mga adhikain at programa, kundi lalo na para sa mga botante na siyang tunay na makapangyarihan sa pagluluklok sa pwesto sa mga kandidato," ani Pangilinan.

”Sa pamamagitan ng debate, maiging masusuri ng mga botante ang track record at kwalipikasyon ng bawat kandidato at makakatulong sa pagkakaroon nila ng tamang desisyon sa darating na eleksyon. Buong bayan ang makikinabang dito,” giit pa niya.

Makatutulong din daw ang debate para mabusisi ng mga botante ang pagkatao, kahandaan at kaalaman ng mga kandidato sa mga posisyon na kanilang tinatakbuhan.

“Naniniwala tayo na dapat lang na maisalang sa timbangan ng pampublikong opinion ang isang kandidato. Sa pamamagitan ng debate, makikilatis ng mga botante ang kalooban, kaalaman at kahandaan ng isang kandidato, maliliwanagan sila kung sino ang mga karapat-dapat iboto,” dagdag pa niya.