Nagpahayag ng pagsuporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panukalang Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Sa isang ambush interview sa Leyte nitong Biyernes, Enero 17, 2025, iginiit ng Pangulo ang importansya raw ng implementasyon nito.
“Pagka teenager yung nanay, hindi marunong alagaan yung bata. Hindi nila alam – marunong alagaan ang sarili nila ‘pag buntis sila. Kung anong kakainin; kung nanganak na, kung ano ang ipapakain doon sa bata. These are all of the things that we need to address. And so, the teaching of this in our schools is very, very, very important,” anang Pangulo.
Saad pa ni PBBM: “And to make young people, especially, knowledgeable about what are the options that are truly available to us, and what the consequences are of having a child too soon, too early.”
Matatandaang nauna nang siniguro ng Department of Education (DepEd), na aakma sa kabataan ang magiging laman ng naturang sex education, taliwas sa umano’y mga fake news na kumakalat hinggil sa naturang panukala.
Bagama’t ilang mambabatas at senador na rin ang nagpahayag ng kanilang pag-alma sa CSE, nilinaw ni Sen. Risa Hontiveros na hindi ibabatay sa international standards ang comprehensive sexuality education na ituturo sa mga bata at sa halip ay magsisilbing gabay lamang.
“Ibig sabihin, gagamiting gabay lang kung makakatulong sa kapakanan ng kabataan. Walang intensyon o obligasyon sa batas na gayahin nang walang pag-iisip ang anumang international standard,” saad ng senadora sa kaniyang press release nitong Huwebes, Enero 16.