Tila marami ang naantig sa istorya ng isang viral na Facebook post ng isang netizen noong Disyembre 3, 2024 patungkol sa ibinahagi niyang munting istorya mula sa isang candy.
Sa Facebook account ng nagngangalang “Kebyn Villarino”, napabalik-tanaw siya sa kaniyang mga tagumpay sa buhay habang nagbabakasyon sa Italy.
“Tinanong ako ni Ate Sheila kung may candy ako. Inabot ko sa kanya yung nag-iisa kong Snow Bear. Nagulat siya, ‘Bakit may Snow Bear ka dito sa Italy? Natawa na lang ako at sinagot siya, Favorite ko kasi ‘to,” ani Kebyn.
Kasunod nito, ipinaliwanag niya kung ano ang importansya ng nasabing candy sa mga pinagdaanan niya sa buhay.
"Tahimik ako saglit, tapos naisip kong tanungin siya: 'Alam mo ba kung bakit?' Sabi ko, 'Kasi nung nag-aaral pa ako sa FEU, kapag nagugutom ako, Snow Bear lang kinakain ko. Di ko afford kumain ng more than once a day noon.' Ngayon, habang hawak ko itong Snow Bear, naalala ko lahat—yung gutom, pagsubok, at yung pakiramdam na minsan wala kang ibang mapagpipilian kundi magtiis. Pero eto rin ang nakakita ng lahat ng blessings at achievements na dumating sa buhay ko,” saad ni Kebyn.
Umabot na sa 6.5k comments at 31k shares ang nasabing post ni Kebyn, ngunit ano nga ba ang totoo kuwento sa likod ng nakakaantig na FB post na ito?
Si Kebyn at ang kaniyang buhay-kolehiyo
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kebyn nitong Lunes, Disyembre 9, ibinahagi ni Kebyn kung ano nga ba ang pinagdaanan niya sa kolehiyo bago siya nakapagtapos sa kursong Internal Auditing, habang pinagsasabay ang pag-aaral, pagtatrabaho at ang kumakalam na sikmura na tanging ang nasabing candy lang ang sumapat.
“I never live with my mom and dad. So I came from a broken family. And pagdating ko no’ng college days ko, doon ako nagsolo na because they can't support me anymore. Walang may kaya mag-support ng financials ko sa college,” kuwento ni Kebyn.
Bunsod ng pagiging working student, inamin ni Kebyn, na tanging candy na lang daw kasi talaga ang nagtatawid ng kaniyang gutom dulot ng pagiging abala sa trabaho at pag-aaral.
“Kaya pala yun yung reason kung bakit ko siya naging favorite, dahil doon sa set-up ko dati, sa estado ko sa buhay dati. And ngayon parang dito ko na-realize na, this time iba na yung reason kung bakit ko siya dinadala. Noon kaya ko laging dala yung candy noon, wala akong pera eh, I can only buy one meal lang at that point. At ngayon dinadala ko na siya kapag nagtu-tour na ako mayroon lang akong candy. So kumbaga this time, tapos na ako sa phase na 'yon, na I can say the most challenging phase na naging working student ako for 6 years,” saad ni Kebyn.
Dagdag pa niya: “Yung candy na yun ang nakikita ng mga challenges ko noon, ngayon ay I can say blessings, that's happening to me, at hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin yung candy, kumbaga naging sistema ko na siya part na siya ng sistema ko.”
Matapos ang kolehiyo
Nang tanungin kung ano na ang pinakamagandang nangyari sa kaniyang buhay, saad niya: “Naging happy na ako and at the same time hindi na ako ganoon naghihirap compared dati, yung the moment na grumaduate ako, doon pa lang eh, doon ko pa lang naramdaman na ‘tapos na! Hindi na ako mag-aaral, hindi na ako magwowork nang sabay,’ kasi ang hirap din naman talaga ng time management na nag-aaral at nagwowork, and at the same time maintain ing yung grades kasi academic scholar din ako.
Bagama’t inabot man ng anim na taon sa kolehiyo, hindi nawalan ng gana si Kebyn upang ipagpatuloy at tapusin ang kaniyang pag-aaral at nasungkit ang pagiging Magna Cum Laude. Sa kabila nito, nabanggit din niya ang “pressure” daw na kaniyang naramdaman matapos ang kolehiyo.
“May pressure siya kasi, una, two years behind na ako sa batch ko kasi 6 years ako nakatapos eh. So parang hala? paano ako magco-cope up sa kanila? Paano ako hahabol? Wala namang race sa career pero andoon pa rin yung pressure niya, kailangan kong humabol kasi late na ako ng 2 years sa timeline ng mga batchmate ko compared to me,” giit ni Kebyn.
Ang buhay OFW
Dalawang taon na si Kebyn sa Dubai sa United Arab Emirates (UAE) kung saan nagtatrabaho pa rin siya bilang internal auditor at gayundin ang pagiging propesor sa kaniyang alma-mater.
Sa kabila ng mga narating niya sa buhay, aminado siyang hindi niya raw inakalang magiging Overseas Filipino Worker (OFW) siya at makakahanap nang mas magandang oportunidad sa ibang bansa.
“Never in my life na I would choose to be an OFW. Kasi I am a product of an OFW kasi nanay ko din OFW siya dati, so kumbaga tumatak sa isip ko na hindi na pwedeng mangyari sa akin ito ulit, yung mapag-iwanan at magka-family things din because of being an OFW,” ani Kevin.
Dagdag pa niya: “Napaka-random lang from one job app may nag-chat sa akin offering this role which alam ko qualified ako sa role na 'yon. So I just wanna try, malay natin yung market ko pala pang ibang bansa na, so ambilis after 1 week nag job offer agad sila so ayon.”
Kung dati’y nagpapalipas lamang ng gutom si Kebyn sa pamamagitan ng isang candy, ayon sa kaniya, ngayon ay nakalibot na rin daw siya sa halos 30 bansa. Naipanalo ang mga labang hindi inakalang maigagapang, at narating ang mga lugar na regalo raw niya sa kaniyang sariling pagsisikap.
Ikaw, anong bagay ang nagpapaalala sa’yo o palatandaan mo ng pinaghalong hirap at tagumpay?