November 30, 2024

Home BALITA

Makabayan bloc, 'di pabor sa 'panghihimasok' ni PBBM sa isyu ng impeachment kay VP Sara

Makabayan bloc, 'di pabor sa 'panghihimasok' ni PBBM sa isyu ng impeachment kay VP Sara
Photo courtesy: Cong. Raoul Manuel, Arlene Brosas, House of Representatives/Facebook, file photo

Inalmahan ng Makabayan bloc ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.hinggil sa kaniyang utos na huwag na raw pagtuunan ng pansin ng Kamara ang umano’y binabalak na impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. 

Sa inilabas na joint statement nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel noong Nobyembre 29, 2024, iginiit nilang hindi raw dapat manghimasok ang Pangulo sa kalayaan at kapangyarihan ng Kamara. 

“Nakakabahala ang lantarang pakikialam ng Pangulo sa mga proseso ng Kongreso. Hindi dapat idikta ng Malacañang kung paano gagawin ng Kongreso ang mandato nito para managot ang mga opisyal na may katiwalian,” anang Makabayan bloc.

Matatandaang kinumpirma ni PBBM noong Biyernes, Nobyembre 29, ang umano’y nag-leak na text message niya sa Kongreso upang sabihing huwag nang maghain ng reklamong pagpapatalsik kay Duterte bilang bise presidente ng bansa.

PBBM sa Bonifacio Day: 'pakikiisa sa pagsulong ng bansa;' VP Sara iginiit pag-alab ng katapangan

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara

Inihayag din ng Makabayan na dapat daw ay manaig ang liderato ng Kamara sa nasabing isyu ng impeachment laban kay VP Sara at hindi raw dapat ito naiimpluwensyahan ng executive branch.

“The House leadership must demonstrate its independence and take a firm stand based on evidence and public interest, not on the President's preferences. Congress should not allow itself to become a rubber stamp of the executive branch,” giit ng Makabayan.

Dagdag pa nila, ang mga napatunayan daw ng Kongreso mula sa mga naging pagdinig nila tungkol sa Office of the Vice President ay nangangailangan daw ng tamang aksyon mula sa Kamara.

“The findings from the House probe on confidential funds and other irregularities in both the Office of the Vice President and Department of Education warrant serious consideration. These issues demand thorough investigation and appropriate action from Congress,” dagdag pa ng Makabayan. 

Umugong ang usapin ng impeachment kay VP Sara matapos ang magkakasunod niyang mga pahayag laban sa administrasyong Marcos Jr. at liderato ng Kamara, maging ang pagbabanta niya sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez. 

KAUGNAY NA BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Muli ring nanindigan ang Makabayan bloc na mapanagot daw ang Pangalawang Pangulo at nakahanda raw sila sa impeachment nito bilang tugon umano sa kagustuhan ng taumbayan. 

“Sa parte naman ng mga progresibong organisasyon at Makabayan bloc, kami ay nakahanda at naghahanda para sa impeachment dahil iyon ang tinatawag ng sitwasyon at mamamayan. Kailangan managot si VP Duterte sa usapin ng confidential funds at iba pang anomalya sa OVP at DepEd. Usapin ito ng transparency and accountability, hindi ito ipinapakiusap o dinidikta,” saad ng Makabayan.