Tahasang iginiit ni House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas na sumobra daw si Vice President Sara Duterte sa mga ikinilos nito sa loob ng pasilidad ng House of Representatives matapos daw nila itong pagbigyang manatili rito.
Sa isinagawang press briefing ng House Committee on Good Government and Public Accountability nitong Sabado, Nobyembre 23, 2024 inamin ni Taas na pinagbigyan pa rin daw nila si VP Sara sa pagbisita nito kay Office of the Vice President Chief-of-Staff Zuleika Lopez na nakadetine sa Kamara.
“Actually being the Vice President we bent over backwards and allowed her to go beyond House rules limitations,” ani Taas.
Diretsahan niya ring sinabi na tila umabuso raw ang Pangalawang Pangulo sa lahat ng pagbibigay-konsiderasyon nila sa kaniya, partikular na umano sa oras ng visiting operations para sa mga nakadetine sa kanilang pasilidad sa Kongreso.
“Pinagbigyan po natin, pero sumobra, and bawal na po yung ginagawa niya na sinasabi ninyo na...beyond certain time. Beyond five o'clock po dapat hindi na po nakakapasok ang hindi kamag-anak at hindi detainee mismo,” anang House Sergeant-of-Arms.
Matatandaang nauna nang naglabas ng liham si Committee Chairman Joel Chua na hindi niya pinahihintulutan ang hiling ni VP Sara na manatili sa loob ng detention room ni Lopez dahil hindi umano siya isang akusado at wala ring nilalabag sa kautusan ng Kamara.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina
Samantala, wala pa muling inilalabas na pahayag ang Kamara sa magiging tugon nila sa umano’y mga naging kilos ng Bise Presidente sa pananatili nito sa kanilang pasilidad sa mga nagdaang araw.