Nagbigay ng pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagdiriwang ng World Children’s Day ngayong Miyerkules, Nobyembre 20.
Sa ibinahagi niyang video statement, nanawagan ang bise-presidente sa bawat Pilipinong kumilos para sa kapakanan umano ng mga kabataan.
“Nawa’y tayo ay kumilos para sa kapakanan ng ating mga kabataan at ng mundong kanilang mamanahin,” saad ni Duterte.
“Sama-sama tayong lumikha ng mga espasyo kung saan ang mga bata ay makakapagbahagi ng kanilang mga saloobin, malayang maipahayag ang kanilang damdamin, makapagbigay-inspirasyon ng pagbabago, at maging isang bata na walang takot at malayo sa panganib,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Happy World Children’s Day, at together let’s listen to the future. Ang lahat ng ating ginagawa ay para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.”
Ayon kay Duterte, “Listen to the Future” umano ang tema ng nasabing pagdiriwang para ngayong taon.