Mas lumakas pa ang bagyong Julian at itinaas na ito sa “typhoon” category, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo, Setyembre 29.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Julian 275 kilometro ang layo sa silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 135 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-north northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas pa rin sa Signal No. 3 ang northeastern portion ng Babuyan Islands (Babuyan Is.).
Nakataas din sa Signal No. 2 ang mga sumusunod na lugar sa Luzon:
Batanes
Mainland Cagayan
Mga natitirang bahagi ng Babuyan Islands (Camiguin Is., Calayan Is., Dalupiri Is., Fuga Is.)
Apayao
Northern at central portions ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams, Dumalneg, Bangui, Burgos, Pasuquin, Vintar, Carasi, Nueva Era, Solsona, Piddig, Dingras, Sarrat, San Nicolas, Laoag City, Bacarra)
Nasa Signal No. 1 naman ang mga sumusunod na lugar:
Mga natitirang bahagi ng Ilocos Norte
Ilocos Sur
Northern portion ng La Union (Santol, Sudipen, Bangar, Luna, Balaoan, San Gabriel, Bacnotan)
Abra
Kalinga
Ifugao
Mountain Province
Northern at central portions ng Benguet (Bakun, Mankayan, Buguias, Kabayan, Atok, Kibungan, Bokod, Kapangan)
Isabela
Nueva Vizcaya
Quirino
Northern at central portions ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao)
Base sa forecast track ng PAGASA, inaasahang lalakas pa ang bagyo sa susunod na 24 hanggang 36 oras habang kikilos ito patungong Batanes o Babuyan Islands.
Kaugnay nito, hindi rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na umabot sa “super typhoon” category ang bagyo.