Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na opisyal nilang dineactivate ang Code Blue Alert sa kanilang central office dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng pertussis, na kilala sa tawag na tusperina o ubong dalahit, at ng measles o tigdas.
Matatandaang itinaas ang Code Blue Alert sa DOH central office noong Marso 20 at itinatag ang Public Health Emergency Operations Center (PHEOC) sa national level upang kaagad na mapababa ang pertussis at measles cases.
Batay sa datos na ibinahagi ng DOH, nabatid na ang pertussis cases mula Mayo 12 - 25, 2024 ay bumaba ng 38% kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.
Ang mga kaso naman ng measles-rubella cases ay nakitaan din ng senyales nang pagbagal, kung saan ang mga kaso nito mula Mayo 12 - 25, 2024, ay mas mababa ng 37% kumpara noong Abril 28 - May 11, 2024.
Malayo anila ito mula sa bilang ng mga kasong naitala bago itaas ang Code Blue Alert.
Sa ilalim ng naturang alerto, pinaigting ng DOH ang mga aktibidad para mapigilan ang pagkalat ng virus, gaya ng vaccination, micronutrient supplementation, community engagement, at risk communication.
Pinasalamatan naman ng DOH ang lahat ng Local Government Units, partikular na ang BARRM Ministry of Health, dahil sa kanilang pagsusumikap na mapuksa ang pertussis at measles sa bansa.