Naglabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng pay rules upang maging gabay ng mga employers sa pagpapasahod sa kanilang mga empleyado para sa Hunyo 17, Lunes, na natapat sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice, na isang regular holiday.

Batay sa Labor Advisory No. 08, series of 2024, na pirmado ni DOLE Undersecretary Carmela Torres, ang mga empleyado na papasok sa isang regular holiday, ay dapat na tumanggap ng 200% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho (basic wage x 200%).

Ang mga manggagawa naman na hindi magtatrabaho para sa naturang araw ay tatanggap pa rin naman ng 100% ng kanyang arawang sahod. Gayunman, kailangang siya ay nagtrabaho sa araw bago ang holiday o ‘di kaya ay naka-leave of absence with pay.

Anang DOLE, “Where the day immediately preceding the regular holiday is a non- working day in the establishment or the scheduled rest day of the employee, he or she shall be entitled to holiday pay if the employee reports to work or is on leave of absence with pay on the day immediately preceding the non-working day or rest day.”

Kung mag-o-overtime naman ang empleyado o papasok ng lampas sa walong oras sa regular holiday, siya ay dapat na tumanggap ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw (hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x bilang ng oras na ipinagtrabaho).

Sakali namang matapat ang regular holiday sa rest day o araw ng pahinga ng empleyado, siya ay dapat pa ring bayaran ng karagdagang 30% ng basic wage na 200%  (basic wage x 200% x 130%).

Kung pumasok pa rin o magtrabaho ang empleyado sa araw ng kanyang pahinga na natapat sa regular holiday, siya ay dapat na tumanggap ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw (hourly rate ng basic wage x 200% x 120% x 130% x bilang ng oras na ipinagtrabaho).

Matatandaang sa pamamagitan ng Proclamation 579, idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang Hunyo 17 bilang regular holiday upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng Eid’l Adha na isa sa pinakamahalagang okasyon sa Muslim calendar.