Ginugunita ngayong araw ng Linggo, Pebrero 25, ang ika-38 anibersaryo ng kauna-unahang People Power o EDSA Revolution sa Pilipinas.

At malamang, ang laging sumasagi sa isip ng marami sa tuwing darating ang araw na ito ay ang mga sumusunod: dilaw, mapayapa, madre, rosaryo, batang nagbibigay ng bulaklak sa isang armadong sundalo, at iba pa.

Pero bago pa man dumating ang bansa sa yugtong ito ng kasaysayan na kung tawagin ay “bloodless revolution,” marami munang dumanak na dugo. Kabilang na rito ang kay Edgar Jopson o mas kilala bilang Edjop.

Noong Pebrero 5, inilabas ng Facebook page na EDJOPTheMovie ang official teaser trailer ng biopic ni Edjop. Tampok sa nasabing teaser ang mga artistang sina Elijah Canlas at Jodi Sta. Maria. Gayundin ang musika ng APO Hiking Society na pinamagatang “Panalangin.” 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa kasalukuyan, habang wala pang eksaktong petsa kung kailan ilalabas ang nasabing pelikula, kilalanin muna natin pansamantala si Edjop. 

Sa isang episode ng “History with Lourd” na umere noong Nobyembre 2015, kabilang si Edjop sa listahan ng “The Greatest President We Never Had.”

Hindi ito kataka-taka dahil isa siyang lider-estudyante noong panahong nasa kolehiyo siya sa Ateneo de Manila University at kumukuha ng programang Mechanical Engineering. Sa katunayan, siya ang pangulo ng National Union of Students of the Philippines o NUSP.

Nang magbigay ng State of the Nation Address (SONA) si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. noong Enero 27, 1970, para sa pagbubukas ng Seventh Congress, nagsimula ang tinatawag na “First Quarter Storm” kung saan nasawi ang ilang estudyante.

Inilunsad ang serye ng mga kilos-protesta laban sa pangulo sa pangunguna ng NUSP kasama ang grupo ng mga manggagawa at magsasaka.  

Ilang araw matapos ang protesta sa SONA, inimbitahan si Edjop sa Palasyo para makipag-diyalogo sa pangulo. 

Pero sa huli, nag-init lang umano ang ulo ni Marcos, Sr. dahil pinapipirma raw siya ni Edjop sa isang papel para siguruhing hindi na siya kakandidato pa bilang pangulo sa ikalawang termino. 

“Nagalit si President Marcos,” kuwento ni Prof. Xiao Chua sa programang “History with Lourd.” “‘Who do you think you are, tell me what to do? You’re just a son of a grocer.’”

Anak si Edjop ng mag-asawang Josefa Mirasol-Jopson at Hernan Jopson. Isinilang siya noong Setyembre 1, 1948 sa Sampaloc, Maynila at pangalawa sa 12 magkakapatid. Naitaguyod silang lahat sa pamamagitan ng grocery na naipundar ng kanilang mga magulang.

Sa kabila ng magagandang oportunidad na naghihintay kay Edjop bilang mag-aaral na nakapagtapos ng cum laude sa kolehiyo, mas pinili niyang magtrabaho sa Philippine Association of Free Labor Unions (PAFLU).

Kalaunan, napilitan siyang suungin ang daan patungo sa armadong pakikibaka nang ideklara ni dating Pangulong Marcos, Sr. ang Batas Militar noong Setyembre 1972. 

Pero sa kasamaang palad, apat na taon bago pa man sumiklab ang ginugunita nating EDSA I, natunton siya sa isinagawang raid ng mga militar sa Davao City at pinatay noong mismong ika-10 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.

Sa kaniyang pagpanaw, naulila ni Edjop ang asawa niyang si Joy Asuncion at ang tatlo nilang anak.

Kaya kasabay ng paggunita sa “pagbubukang-liwayway” ng EDSA I noong 1986, alalahanin din sana natin ang mga gaya ni Edjop na “nabulid sa dilim ng gabi.”