Marahil, nakakaumay na para sa maraming estudyante ang paulit-ulit na pagpapakilala ng sarili sa loob ng klase. Pero paano kung lagyan ito ng ibang elemento gaya ng ginawa ng 2nd year nursing student na si Mikyla Christine Lozada mula sa Bicol University Polangui Campus?

Sa halip kasi na sa pasalitang paraan, idinaan ni Mikyla sa pagkanta ang pagpapakilala ng kaniyang sarili.

Kung isa ka sa mga humanga at natuwa sa kaniyang natatangi at malikhaing self-introductory, ito na ang pagkakataon upang makilala siya at malaman ang kuwento sa likod ng kaniyang viral video.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mikyla, sinabi niyang maliit pa lang daw siya ay mahilig na ang pamilya niya sa pagkanta. Sa katunayan, lagi raw siyang hinihikayat ng mga tita niyang kumanta hanggang sa magustuhan at mahalin niya na rin ito kalaunan.

National

Bagyo sa kanluran ng Palawan, posibleng pumasok sa PAR – PAGASA

Bukod pa rito, ibinahagi rin ni Mikyla kung paano niya naisip na ibahin ang nakasanayang paraan ng pagpapakilala ng sarili sa klase.

“Noong freshmen year po namin, ang sabi ni Ma'am Capati sa ‘min, gawin daw po naming creative ‘yong introduction namin. And since mahilig naman po akong kumanta, naghanap po ako ng inspiration sa internet at nakita ko po ‘yong intro video ni Ms. Aira Lopez kaya ganoon na rin po ang ginawa ko,” kuwento ni Mikyla.

“Since first year college po and every time ina-ask kami ng professors namin magpakilala, ganoon na po ang ginagawa ko,” aniya.

Pero sa kabila ng pagkakaroon ng talento sa pagkanta, inamin ni Mikyla na libangan lang daw niya ito. 

“Kumakanta lang po talaga ako tuwing may family gatherings sa karaoke at bumibirit habang naliligo,” saad niya.

Iyan daw ang dahilan kung bakit kumuha si Mikyla ng Bachelor of Science in Nursing sa halip na undergraduate program na nakalinya sa musika. 

Nagkaroon din daw kasi siya ng maraming reyalisasyon sa buhay noong dumating ang pandemya gaya halimbawa ng kakulangan sa manpower ng maraming ospital sa bansa.

“It made me feel sad thinking that our hospitals are lacking of manpower, knowing we have a lot of nursing graduates and professionals. I believe po na this is where I am needed and where I  belong,” saad niya.

Gayunpaman, bagama’t hindi raw pumasok sa isip ni Mikyla na kumuha ng undergraduate program na may kinalaman sa pagkanta, hindi naman daw niya tuluyang isinasara ang posibilidad hinggil sa bagay na ito.

“But if there will be opportunities po sa singing, why not? In all honesty, I never thought about it po. If there's an event po requiring me to take a bachelor program related to music and time permits, I may give it a try,” wika niya.

Sa huli, nagbigay ng mensahe si Mikyla para sa kaniyang mga kapuwa estudyante. Ayon sa kaniya, lagi raw ibigay ang pinakamabuting magagawa na parang wala nang ikalawang pagkakataon.

“Make sure na nag-eenjoy tayo sa mga bagay na ginagawa natin. Huwag ma-pressure kasi lahat naman tayo may talents e sadyang mas pinangungunahan lang tayo ng kaba at kulang sa self - esteem. Let this be a reminder na kung kaya ng iba, kaya n’yo rin," dagdag pa ni Mikyla.

Matatandaang ibinahagi ni Sir JhonnyPet Pedrajeta Topasi sa kaniyang Facebook account ang naturang video ni Mikyla na umabot na sa mahigit isang milyon ang nakakapanood. 

MAKI-BALITA: Malikhaing self-introductory ng isang estudyante, kinabiliban