Patuloy pa ring nakaaapekto ang trough ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Nobyembre 19.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang LPA sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) 465 kilometro ang layo sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.

Mababa pa rin umano ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa mga susunod na araw.

Pagdating naman sa lagay ng panahon, sinabi ng PAGASA na malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Masbate, Sorsogon, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region dahil sa trough ng LPA at shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.

National

Ex-VP Leni sa pagsalubong niya kay PBBM: ‘Isang pagbibigay-respeto sa posisyon’

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, mga natitirang bahagi ng Bicol Region at Apayao bunsod ng amihan.

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Inihayag din naman ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.