Ang mata raw ang nagsisilbing bintana ng kaluluwa ng isang tao. Dito umano masisilip ang iba’t ibang emosyong dumadaloy mula sa puso: takot, galit, pangamba, kilig, at pag-ibig.

Pero paano kung may hatid palang panganib ang iniukol na titig sa ‘yo?

Gaya ng karanasang ibinahagi ni Joanna Rabara Tayag sa isang Facebook online community.

“Naniniwala ba kayo sa Evil Eye? Kung hindi, ako rin noon.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Mayroon akong kasal na pinuntahan noon sa Pangasinan. Kasama ko ‘yung ex ng kuya ko.

After ng kasal, umuwi na kami kinabukasan ng tanghali. Super baryo ng lugar na napuntahan namin.

“Jeep ang sinakyan namin pauwi. After 5 minutes namin nakasakay, mayroon ding sumakay na matanda. Nagtataka ako bakit titig na titig siya sa akin. Mula sa kung saan siya nakatayo noong naghihintay ng jeep hanggang sa makasakay siya at makaupo.

“Nilipat ko ‘yung tingin ko sa bintana para hindi na rin niya ko titigan. Pero nararandaman ko pa rin ‘yung titig nya. Hanggang sa tiningnan ko rin siya. Hindi man lang siya kumukurap o gumagalaw sa puwesto niya. Nakatingin lang sa akin nang masama.

“Medyo natakot na ako kasi isang oras din ‘yung byahe namin. Nakatitig lang siya ng isang oras sa akin na hindi talaga kumukurap.

“Kaya sabi ko sa ate ko: ‘Ate, ‘yung matanda, o. Natatakot na ‘ko’.

“Tapos tiningnan ni Ate at hinawakan ‘yung kamay ko.

“Nauna siyang bumaba sa amin. Nakatitig pa rin siya sa akin kahit noong bababa na siya sa jeep. Hanggang sa umandar ‘yung jeep hinabol niya ako ng tingin.

“Pag-uwi namin ng Pampanga, natulog muna ako dahil sa pagod sa biyahe. Pagkagising ko, gulat na gulat ‘yung family ko. Ano raw nangyari sa mukha ko?

“Pagtingin ko sa salamin, gulat na gulat din ako. Clear skin ako ever since. Pero nang makita ko ‘yung mukha ko, tinubuan ng parang tigyawat na maliliit na parang may tubig sa loob. Gulat na gulat ako sa sobrang dami. As in. Whole face.

“Nagpa-check up ako sa derma. Wala raw. Ganoon lang daw talaga sabi nila. Tinatanong ako kung anong mga nakain ko baka allergies daw. Pero hindi naman makati. Hanggang sa 3 days na. Hindi pa rin nawawala maski noong one week na.

“‘Yung kapitbahay namin nakita ako, nagulat siya. Sinabi ko na galing akong Pangasinan tapos pag-uwi ko may ganito na sa mukha ko.

“Sabi niya: ‘May nainggit ‘ata sa ’yo. Wala ka bang napansing nakatitig sa ‘yo?’

“Tapos naalala ko ‘yung matanda na nakakatakot kung tumingin.

“Sabi niya [kapit-bahay]: ‘Gumising ka sa madaling araw. Magdala ka ng kandila at sa harap ng salamin sabihin mo umalis ka na’.

“Ako ‘yung tao na hindi nagpapaniwala sa pamahiin or kasabihan, e. Pero sinubukan ko na kahit medyo creepy noon.

“Pagkagising ko kinabukasan, tumingin ako agad sa salamin. Wala na ‘yung madaming parang tigyawat sa mukha ko. Back to clear skin na. Para bang magic na nawala.

“After ng pangyayaring ‘to, nag-ingat na ako sa mga taong nakakasalimuha ko sa iba’t ibang lugar.

“And one of my friends asked me: ‘Ate, naniniwala ka ba sa evil eye?’

“Sabi ko noon, hindi. Ngayon oo kasi na-experience ko.

“Pagkaganon daw na may nakatitig sa ‘yo nang matagal at masama, kailangan labanan mo raw ng tingin. Kailangan masindak daw siya sa tingin mo. Sabihin mo rin daw ‘yung ‘buyag buyag’.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, inamin ni Joanna na ito umano ang kauna-unahang pagkakataong nakaranas siya ng kababalaghan.

“Yes, I am a Christian kasi. Kaya hindi talaga ako nagpapaniwala sa kung ano-ano. But when I have experienced, it nagbago yung paniniwala ko,” sabi niya.

At para makaigpaw mula sa takot na idinulot ng karanasang iyon, panalangin umano ang naging sandigan ni Joanna.

“Na-overcome ko ‘yung experience na ‘to through prayer. ‘Yun lang kasi talaga magiging sandigan natin in all supernaturals,” saad pa niya.

Nag-ugat umano sa Greece at Rome ang paniniwala tungkol sa Evil Eye hanggang sa lumaganap ito sa iba’t ibang panig ng daigdig. Pero sa ngayon, wala pang matibay na paliwanag ang siyensiya hinggil dito.

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.